Kailangan ang annulment
Dear Dr. Love,
Una sa lahat nais ko pong batiin ang lahat na tagasubaybay ninyo. Isa po ako dito. Gusto ko pong ibahagi ang true love life ko sa lahat at magbigay kasayahan sa mga readers ninyo.
Nakilala ko ang aking asawa sa chat room nasa ibang bansa siya n’un. May asawa siya bago nag-abroad, may tatlo siyang anak. Magulo ang pamilya niya, biglaan siyang umuwi sa ‘Pinas ‘yun pala hihiwalayan niya ang asawa niya. Kinuha niya ang mga bata.
Bumalik siya sa abroad at nanligaw sa akin through chat at tawag. Nahulog ang loob ko sa kanya, nagkita at nagsama kami dito sa ‘Pinas noong 2007. Masayang-masaya kami kasama ang mga bata. May baby na rin kami. Kontento ako kahit ’di pa kami ikinakasal, mahal kasi ang annulment. Ipinagpapasalamat ko sa Panginoon ang kaloob niyang masayang pamilya sa akin
Gumagalang,
Joan
Dear Joan,
Ang masasabi ko ay huwag kang kampante na magiging okay lang ang pagsasama ninyo kahit walang kasal. Kung tutuusin, legal and binding pa ang kasal ng asawa mo sa kanyang unang asawa kaya kung gustong manggulo nung isa ay kayang-kaya niyang gawin.
Ang annulment ay umaabot ng P100 libo. Medyo mahal pero puwedeng pag-ipunan alang-alang sa isang panatag na future.
Dr. Love
- Latest
- Trending