Dear Dr. Love,
Ako po ay nagwo-work dito sa Qatar for almost 4 years na at talaga namang napakahirap ng malayo sa pamilya, lungkot at pangungulila ang aking ipinagtitiis para lamang makaahon sa hirap ang aking mga mahal sa buhay.
May isa po lamang akong katanungan at nawa’y mabigyan n’yo ng tamang kasagutan para naman hindi ako nag-aalala kung ako po ba ay nagkakasala sa ating Panginoon.
Kapag malayo ka sa asawa mo, may time na ako ay nangungulila sa kanya pero ayoko po namang gumamit ng babae dito kaya ang ginagawa ko nalang ay ‘yung sariling sikap o mariang palad pero alam ko na masama kung ginagawa mo ‘to at nag-iisip ka ng ibang babae na pinagpapantasyahan.
Ngayon ito po ang tanong ko kung ako po ba’y nagkakasala sa Lumikha, sa tuwing nagsasariling sikap at ini-imagine ang aking asawa? Nawa’y matulungan n’yo po ako dahil tunay na mahirap na malayo sa mahal na asawa at makagawa pa ng kasalan sa pisikal at sa isip na ayoko namang mangyari.
Gumagalang,
Dan ng Qatar
Dear Dan,
May mga findings ang mga psychologists na ang madalas pagsasariling-sikap ay maaaring makapinsala sa isip.
Pero binibigyan kita ng credit sa pagiging faithful mo sa iyong misis at sa halip na pumatol ka sa ibang babae ay nagpaparaos ka na lang mag-isa.
Ngunit hindi nangangahulugan ito na sinasang-ayunan ko ang pagsasariling sikap bilang alternatibo lalu pa’t ito’y nagbibigay sa iyo ng masamang konsensya.
Madalas, ang guilty feeling ng isang tao’y posibleng magbunga ng pagkasira ng isip kaya nagkaroon ng ganyang findings ang mga psychologists.
The best you can do ay maging abala ka sa ibang bagay tulad ng sports at pagbabasa ng bible para maiwaksi sa isip mo ang “sariling sikap.” Personally, naniniwala ako na ang pagtatalik ay isang pribilehiyo para sa mag-asawa at ito’y dapat magkasamang gawin.
Dr. Love
(Para sa mga nagnanais na lumiham kay Dr. Love, ipadala ito sa DR. LOVE c/o PSN Libangan 202 Roberto S. Oca corner Railroad Sts. Port Area, Manila. Maaari rin mag-email sa psnlibangan @philstar.net.ph.)