Dear Dr. Love,
Sa ikalawang pagkakataon, muli po akong lumiham sa inyo para idulog ang problema ko sa buhay. Kung natatandaan pa ninyo, ako si Marvin Soriano, taga-San Juan City at pitong taon na akong nakakulong dahil sa isang pagkakasalang nagawa ko dahil sa aking asawa.
Pagkaraan ng mahabang panahon, nasurpresa nalang ako nang bumisita sa akin si Jinky. Hindi alam kung magagalit o matutuwa ako sa pagdating niya. Ang natitiyak ko nanaig ang pagmamahal ko sa kanya lalo pa’t kasama niya ang dalawa naming mga anak. Nalaman ko na nagsasama pa rin sila ng lalaking ipinalit niya sa akin.
Bago sila umalis, gusto ko na sanang sabihing huwag na silang bumisita pa sa akin. Dahil naghihirap ang aking kalooban. Pinangangambahan ko rin ang posibilidad na bukod sa pagsama niya sa aming mga anak ay dalhin niya rin ang kanyang bagong asawa. Hindi ko gustong makasakit ng tao.
Dati, nag-aaral ako pero dahil sa naaburido ako, nag-drop na lang ako.
Sana, ituro mo po sa akin kung ano ang dapat kong gawin, upang lubos kong maunawaan kung bakit ganito na lang ang dinaranas kong pagsubok sa buhay.
Gusto ko na pong manghina. Pero ang sabi ninyo nga, magpakatatag ako. Taos puso akong nagpapasalamat uli sa inyo sa pagbibigay pansin ninyo sa liham ko.
May the Good Lord bless ang guide you always.
Marvin Soriano
MSC Camp Sampaguita
Bldg. 2 Cell 233
Muntinlupa City 1776
Dear Marvin,
Galit ka pa sa mundo kaya ayaw mong dalawin ka ng dati mong kabiyak. Pero ang sabi mo nga, mahal mo pa rin siya. At higit sa lahat, alang-alang sa mga bata, dapat mong alisin sa puso ang pagkamuhi.
Dapat mong ipagpasalamat na sa kabila ng mga sirkumstansiyang naganap, minabuti pa rin ng dati mong kabiyak na ipakita ka sa inyong mga anak ang kinaroroonan mo.
Kung iyon ay dahil sa mayroon siyang guilty feeling tanggapin mo na rin iyon.
Hindi naman marahil mangyayari na isasama pa niya ang kanyang asawa ngayon sa pagdalaw nila diyan sa iyo. Isa na iyang lubusang pang-aapi sa iyo. Marahil, sa kabila ng mga pangyayari, hindi rin maalis ng dati mong asawa ang katotohanang minsan ay minahal ka niya at ikaw ang ama ng dalawa ninyong anak.
Hangga’t maaari’y sikapin mong makapag-aral uli at iwasan ang pagkaaburido dahil sa mga hindi mo maisakatuparang ninanais sa buhay.
Dr. Love
(Para sa mga nagnanais na lumiham kay Dr. Love, ipadala ito sa DR. LOVE c/o PSN Libangan 202 Roberto S. Oca corner Railroad Sts. Port Area, Manila. Maaari rin mag-email sa psnlibangan@philstar.net.ph.)