Dear Dr. Love,
Hi, good day sa’yo at sa lahat nang tumatangkilik ng iyong column. Itago mo na lamang ako sa pangalang Kristel, 21 years old.
Ang problema ko po ay kung bakit ako laging bigo sa pag-ibig, gayong hindi naman po ako pangit.
May naging boyfriends na po ako kaso lahat sila ay hindi nagtatagal. Lahat sila ay pawang mga kasing-edad ko lang.
Hanggang sa lumipas ang isang taon na wala pa din ako nagiging boyfriend at meron akong nakilalang lalaki, mabait, matalino at higit sa lahat tanggap ako. Kaso ang problema ko po malaki ang age gap namin, 21 ako at siya naman ay 56 na.
Mahal niya daw ako at nararamdaman ko naman ‘yun kaso my asawa’t anak siya. Dr. Love, tingin mo ba tama itong pinasok ko o baka naiinip lang ako dahil wala akong boyfriend at pati ganung edad ay pinatulan ko na?
Salamat
Lubos na gumagalang,
Kristel
Dear Kristel,
Huwag kang magagalit pero gusto ko lang itanong ito sa iyo. Ginagamit mo ba ang utak mo sa pag-ibig o puro puso lang?
Sabi mo hindi nagtatagal ang mga relasyon mo sa lalaki gayung hindi ka naman pangit. Bakit kaya? Alamin natin kahit marami kang bagay na hindi sinabi sa iyong sulat.
Ayokong maging mapanghusga pero hindi kaya iniiwanan ka ng mga lalaki matapos mong ibigay ang lahat-lahat na gusto nila? ‘Yun lang ang nakikita kong dahilan. Ganyan kadalasan ang lalaki. Iisa lang ang gusto’ng makuha sa babae at alam mo na iyon.
Ang babaeng easy to get ay easy to get rid of, din. At ngayon naman, pumasok ka sa isang relasyon sa isang halos tatay mo na at may asawa pa.
Humanap ka ng lalaking bagay sa iyo. Hindi ‘yung kahit sino papatol ka dahil sa desperation. At para magtagal ang relasyon mo, magkaroon ka naman ng pagpapahalaga sa sarili.
Dr. Love