'Boy Life'
Dear Dr. Love,
Una sa lahat, isang masaganang pagbati.
Ang dalangin ko po ay lumawig pa ang pitak ninyo para mas marami pa kayong matulungan na tulad ko na nangungulila sa mga mahal sa buhay at naguguluhan ang isip kung tama nga ba o hindi ang ipagtanggol ang naagrabyadong miyembro ng pamilya.
Ang tawag po dito sa akin sa bilangguan ay “Boy Life” dahil ang naging hatol sa akin ay habang buhay na pagkabilanggo. Napatay ko po kasi ang manliligaw ng isa sa dalawa kong kapatid.
Dinatnang ko sa akto ang manliligaw niya habang ginagahasa siya habang nasa kaawa-awang sitwasyon naman ang aming may karamdamang ina na nagtangkang pigilan ang lalaking iyon.
Murder ang isinampang kaso sa akin sa halip na homicide lamang dahil hindi ko naman plinanong patayin ang manliligaw ng kapatid ko. Nakabigla sa akin ang dinatnang pangyayari sa loob mismo ng aming bahay.
Mabait sana ang manliligaw na iyon ng aking utol pero kapag nasa impluwensiya siya ng alak, nawawala ang kabaitan niya at gumagawa ng hindi maganda. May kaya siya at mahirap lamang ang aming pamilya kaya kahit anong pagsisikap kong idepensa ang sarili na homicide lang ang kaso, naging murder ito.
Hindi ko pinagsisihan ang nagawa ko sa lalaking iyon. Bilang tumatayong ama ng aming pamilya, obligasyon kong ipagtanggol ang aking ina at kapatid kapag inaapi at niyuyurakan ang dangal.
Nasa 22-anyos pa lamang ako nang makulong, ngayon 39 na ang edad ko. Ang dalangin ko po sana, mapabilang ako sa mga mapapababa ang sentensiya kundi man magkaroon ng pagkakataong makalaya sa pamamagitan ng parole o executive pardon.
Hangad ko rin po sa pagliham sa inyo na magkaroon ng mga kaibigan sa panulat para magkaroon ako ng mas malawak na pang-unawa sa mga bagay-bagay sa buhay.
Maraming salamat po at more power.
Gumagalang,
Ricky Demata
4-D Student Dorm
Camp Sampaguita
Muntinlupa City 1776
Dear Ricky,
Huwag kang mawawalan ng tiwala sa Panginoon at sa batas. Magpakita ka ng kabutihan habang pumapailalim ka sa rehabilitasyon para mapatunayan mong isa kang mabuting tao at kung malaki man ang pagkakasalang isinampa sa iyo at nahatulan ka ng habang buhay na pagkabilanggo puwede kang umapelang mapababa ito at mapabilang ka sa mga puwedeng gawaran ng may kundisyong paglaya.
Pagbutihin mo ang pag-aaral mo para magkaroon ka ng pagkakataong mapaunlad ang iyong kaalaman at mapaghandaan ang hinaharap.
Ang kahirapan ay hindi hadlang para mapaunlad ang sarili at mabatid ang iyong karapatan sa ilalim ng batas.
Dr. Love
(Para sa mga nagnanais na lumiham kay Dr. Love, ipadala ito sa DR. LOVE c/o PSN Libangan 202 Roberto S. Oca corner Railroad Sts. Port Area, Manila. Maaari rin mag-email sa [email protected].)
- Latest
- Trending