Fernanda

Dear Dr. Love,

Itago n’yo na lamang po ako sa pangalang “Fernanda” 22 anyos na po ako at kasaluku­yang volunteer sa America bilang caregiver pero pansamantala po akong umuwi dito sa Pilipinas para sunduin ang aking ina.

Bago pa man po ako nakipagsapalaran sa America ay meron po akong lalaking nakilala sa Pilipinas. Guwapo po siya at sadyang siya po ang lalaking pinapangarap ko na makasama sa pagtanda ko. Pero mayroon na po siyang girlfriend.

Noon palagi ko po siya tinetext ng mga friendly at life quote ngunit dumating po sa punto na ang nakasagot sa huli kong text sa kanya ay ang kanyang girlfriend. Sabi sa akin ng kanyang girlfriend ay asawa na raw po siya nung kaibigan ko samantalang girlfriend ang pakilala sa akin ng aking kaibigan at hindi asawa. Pagkatapos po noon ay nawalan na kami ng kumunikasyon. Nagkita po kaming muli pero sa pagkakataong ito ay sobrang pami­mintas ang inabot ko sa kanya. Sinabihan niya ako ng “SA TINGIN MO BA MAKAKATAPOS KA NG PAG-AARAL?”

Halos isumpa ko ang araw na iyon Dr. Love at doon nagpasiya na po ako na umalis na lamang ng bansa.

Sa America ay nakilala ko ang Mexicanong itago na lamang po natin sa pangalang “Marco” hiwalay sa asawa at may dalawang anak. Mabait si Marco at sadyang sobrang sweet. Natutuhan ko rin siyang mahalin. Pero nang magbalik ako sa Pinas, naramdaman kong mahal ko pa rin ang unang lalaking inibig ko.

Ayokong saktan si Marco. Ano po ang gagawin ko Dr. Love?

Fernanda

Parañaque City

Dear Fernanda,

Ang hirap sa lalaking una mong minahal ay hindi naman siya nanligaw sa iyo dahil hindi na malaya ang puso. Hindi mo nga matiyak kung asawa niya o girlfriend lang ang babaeng kapi­ling niya.

Fernanda, maraming masakit na katotohanan sa buhay na dapat harapin at tanggapin ng isang tao. Huwag mong dayain ang iyong sarili. Kung may nahanap kang ibang mahal sa Amerika at mahal ka rin niya, dumuon ka na lang at huwag mong pahirapan ang sarili sa kaiisip.

Dr. Love

(Para sa mga nagnanais na lumiham kay Dr. Love, ipadala ito sa DR. LOVE c/o PSN Libangan 202 Roberto S. Oca corner Railroad Sts. Port Area, Manila. Maaari rin mag-email sa psnlibangan@philstar.net.ph.)

Show comments