Naghihilom din ang sugat

Dr. Love,

Magandang pagbati po sa inyo at sa lahat ng tagasubaybay ng inyong kolum lalo na dito sa Jeddah Saudi Arabic.

Itago n’yo po ako sa pangalang Justine, 29 years old, may asawa at dalawang anak.

Alam naman po natin na ang isang ofw ay talagang napakahirap at maraming pagsubok sa buhay.

Bago po dumating ang pagsubok na ito masaya naman po kami ng pamilya ko. Pero nung makaalis po ako nagkasala ako sa asawa ko. Nagkaroon ng third party sa buhay naming mag-asawa. Nagtaksil ako sa misis ko.

Subalit pinagsisihan ko na naman ang pagka­kamali ko sa pamilya ko. Sa ngayon po nahihirapan po ako dahil sa tuwing naaalala ng misis ko ‘yung pagkakamali ko lagi po kaming nag-aaway. Lahat naman ay ginagawa ko pero hindi niya talaga maka­limutan ‘yun mga nangyayari, sobrang nasusuklam daw siya sa akin.

Ano po ba ang dapat kong gawin? Maraming salamat po! More power at God bless to all.

Justine

Jeddah Saudi Arabia

Dear Justine,

Lahat ng tao ay nakakagawa ng bagay na pinag­sisisihan. Kung minsan, alam na nating kasalanan ay ginagawa pa rin natin. Bawat pagkakasala ay may katumbas na consequence sa buhay. Nakasugat ka ng damdamin kaya medyo kailangan ang pagtitiyaga at paghihintay para maghilom ang sugat. Dagdagan mo pa ang panunuyo. Naniniwala ako na walang sugat na hindi pinaghihilom ng panahon.

Dr. Love

Show comments