Dobleng dagok ng tadhana

Dear Dr. Love,

Nawa’y sapitin kayo ng liham kong ito na nasa mabuting kalusugan at libre sa anumang problema sa buhay.

Ako po si Jose Mari Tubil, 38 years old, dating­ driver ng de-motor na side car sa amin bago napiit sa pambansang kulungan dahil sa pagka­kasalang hindi ko naiwasan.

Hindi kalakihan ang kinikita ko pero sa pagsi­sikap na maisinop ang bawat piso nito at sa pagtutulungan naming ng aking ka-live-in ay nakapagtatabi kami kahit kaunti, na ginagamit namin sa pagpupundar ng ilang gamit sa bahay.

Bawat halaga ay walang pag-aalinlangan kong ipinagkakatiwala sa aking kinakasama para rin sa paghahanda namin, sa pagkaka­roon ng dalawang supling na siyang bubuo sa aming pamilya.

Pero ang simpleng pangarap kong ito ay nauwi sa wala, nang makasuhan at makulong matapos mapatay ang isa sa dalawang lalaki na sumakay at nang-hold-up sa akin.

Tinutukan ako ng patalim ng isa habang pilit na kinukuha ang aking kita. Nakiusap ako na huwag nang kunin dahil inaasahan iyon sa aming bahay pero tinangka akong saksakin. Nanlaban ako hanggang sa maagaw ang hawak na patalim na ginamit ko laban sa umatake sa akin.

Dahilan para makulong ako.

Ang masakit nito, lahat ng kaunting naimpok at naipundar ko ay nilaspag ng aking kinaka­sama, na naglaho ring parang bula buhat ng ako’y makulong.

Ang lungkot ng buhay ko, tila pati pamilya ko ay itinakwil na ko dahil minsan ay hindi nila ako dinalaw. Pakiwari ko’y nag-iisa na ako sa mundo.

Kaya po hinihiling ko na sana magkaroon ng mga kaibigan sa panulat.

Thank you very much and more power.

Truly yours,

Jose Mari Tubil

Student Dorm Bldg. I-C

YRC MSC

Camp Sampaguita

Muntinlupa City 1776

 

Dear Jose,

Nakadisgrasya ka ng tao dahil sa pagtang­ging ibigay ang kinita mo, pero ang perang pinag­si­sikapan mong maimpok para sa kinabukasan ay winaldas naman ng kinakasama mo.

Kung magbiro nga naman ang tadhana. Pero huwag kang mawalan ng pag-asa, ituring mong ang lahat ng ito ay pagsubok lamang na magpa­patatag sa iyo.

Ihingi mo ng tawad sa Panginoon ang pagka­kapatay mo sa taong nagtangka ng masama sa iyo.

Naniniwala akong hindi ka itinakwil ng iyong pamilya kundi ninanais lamang nila na matuto ka sa sarili mong pagkakamali.

Magpakatatag ka at sa sandaling makalaya ka, sikapin mong manatili sa tuwid na landas. Ipagpasa-Diyos mo na lamang ang ginawa sa iyo ng iyong kinakasama. Dahil mas malaki ang babalik sa iyo, sa kaapihang tinamo. 

Dr. Love

(Para sa mga nagnanais na lumiham kay Dr. Love, ipadala ito sa DR. LOVE c/o PSN Libangan 202 Roberto S. Oca corner Railroad Sts. Port Area, Manila. Maaari rin mag-email sa psnlibangan @philstar.net.ph.)

Show comments