Timbangin mo ang iyong prayoridad
Dear Dr. Love,
Magandang araw sa’yo at sa mga tagasubaybay ng column na Dr. Love.
Ako po si Isagani, 33 anyos (di tunay na pangalan) matagal ko na pong gustong lumiham sa inyo. Ako po ay isang illegal na manggagawa dito sa Kandahar, Afghanistan.
Mahigit isang taon na po ako dito, at ako po ay uwing-uwi na. Pero napakahigpit po ng kumpanya na napasukan ko, at kung uuwi naman po ako baka mawalan po ng sustento ang aking mga kapatid na nag-aaral pa.
Sampu kaming magkakapatid, ako ang panganay at ako lang po ang inaasahan ng aking pamilya. Meron po akong girlfriend at gusto na po niyang magpakasal kami pero hindi pa po ako handa dahil gusto ko pa pong tulungan ang aking mga kapatid. Si Danica po ang aking girlfriend (di tunay na pangalan) ay kasama ko rito at niyayaya na niya akong umuwi, at sabi ko po sa kanya na hindi pa ako handa sa lahat at ang prayoridad ko ay makatapos ang aking mga kapatid. Nagalit po siya sa akin at nakipaghiwalay. Dinamdam ko ‘yun at nagpaliwanag na bigyan niya pa ako ng sapat na panahon, pero hindi rin po niya ako pinakinggan. Limang araw na po ang nakakaraan nang umuwi siya. Naiwan po ako dito na malungkot at nag-iisip.
Ano po ang gagawin ko Dr. Love? Susundan ko ba ang girlfriend ko or ipagpapatuloy ko ang aking trabaho dito kahit na pinagbabawal ng gobyerno natin na pumunta dito para lang may mapakain at mabigyan ng magandang kinabukasan ang aking mga kapatid. Sana po ay mapayuhan n’yo ako. Mahal ko po si Danica pero mahal ko rin ‘yung mga kapatid ko.
Ano ang gagawin ko?
Maraming salamat po at sana mapayuhan ninyo ako.
Isagani
Dear Isagani,
Ikaw lamang ang puwedeng tumimbang sa prayoridad mo. Kasintahan o kapatid?
Kung ako ikaw, dapat ko rin namang mahalin ang aking sarili dahil may pangarap din ako’ng magkapamilya na binubuo ng mapagmahal na asawa at anak.
Kung magsisikap ka lang, alam kong may mabuti ring kapalarang naghihintay sa iyo sa Pilipinas. Isa pa, lubhang mapanganib na lugar ang kinaroroonan mo kaya nga ipinagbabawal ng pamahalaan natin ang pagtatatrabaho ng mga Pinoy diyan. Palagi na lang may mga Pilipinong nadadamay sa mga bombing. Huwag namang itulot ng Dios, pero paano kung nangyari iyon? Lalung mawawalan ng sustento ang mga kapatid mo at hindi mo napagbigyan ang pagmamahalan ninyo ni Danica.
Dr. Love
- Latest
- Trending