Talunan din sa paghihiganti

Dear Dr. Love,

Kabilang po ako sa inyong tagapagtangkilik na walang sawang sumusubaybay sa sikat ninyon pitak, Dr. Love. Kaya naman naisipan ko rin ang lumiham para hingin ang inyong payo.

Bata pa lang ay ulila na ako, kaya nagsikap na itaguyod ang sarili sa pagdya-dyaryo at bote na kasalitan ng pagtu­tuhog ng sampaguita. Hanggang maging working student ng mga madre, kung saan nakilala ko ang aking misis na si Julia.

Nang magkasundo kaming magsama, kapwa kami nagsikap na bumuo ng disente at masayang pamilya. Pero ang lahat ay nauwi sa pagkaunsyami, nang madat­nan kong walang saplot, naliligo sa sariling dugo ang wala ng buhay na si Julia maging ang sanggol sa kanyang sinapupunan.

Dahil sa mabagal na hustisya ay ipinasya kong ilagay sa aking mga kamay ang batas at itinumba ang apat sa itinuturing nasa likod ng panggagahasa at pagkamatay ng aking asawa at aming anak.

Kaya nakapiit ako ngayon. Para sa akin, wala nang halaga ang aking buhay kung hindi ko maigaganti ang aking mag-ina. Pero ako rin pala ang talo sa huli. Nakokonsensiya ako sa aking ginawa. Pagpayuhan po ninyo ako.

Gumagalang,

Daniel

MSC Camp Sampaguita

Muntinlupa City 

 

Dear Daniel,

Likas kang mabuti, may takot sa Diyos dahil inuusig ka ng iyong konsensiya sa salang nagawa. Huwag kang magsasawang humingi ng kapatawaran at awa sa Panginoon para malampasan mo ang kasalukuyang trial na pinag­daraanan mo. Alam kong malalampasan mo ito. Ipag­patuloy mo ang pagpapakabuti sa iyong rehabilitasyon para mapalaya ka agad.

Dr. Love

(Para sa mga nagnanais na lumiham kay Dr. Love, ipadala ito sa DR. LOVE c/o PSN Libangan 202 Roberto S. Oca corner Railroad Sts. Port Area, Manila. Maaari rin mag-email sa psnlibangan@philstar.net.ph.)

Show comments