Dear Dr. Love,
Sumapit nawa ang liham kong ito na nasa mabuti kayong kalagayan sa buhay. Ako po si Randy delos Santos, taga Navotas, Metro Manila. Mula pagkabata, hindi na maganda ang takbo ng aking buhay. Bagaman buhay pa ang aking ina, feeling ko, ulila na ako sa buhay at naghahanap ng kaligayahan.
Nakadisgrasya ako ng tao kaya nabilanggo at nang mapalaya muling nasadlak sa isa pang pagkakamali sa lipunan kaya balik-selda.
Hindi ko tuloy maiwasang itanong sa aking sarili habang humihimas-rehas, kung bakit mailap sa akin ang kalayaan?
Sana sa pamamagitan ng inyong column dumating sa aking buhay ang isang kaibigan na magsisilbing kaagapay ko sa aking pagbabago. Umaasa akong matutulungan ninyo.
Gumagalang,
Randy delos Santos Sabulao
Dorm B Bureau of Correction
Maximum Compound
Muntinlupa City 1776
Dear Randy,
Walang taong likas na masama. Naliligaw lamang ng landas dahil sa maling kapaligran at impluwensiya ng mga barkada.
Nararamdaman mong nag-iisa ka dahil marahil, matigas ang iyong ulo at hindi ka marunong tumupad ng pangakong pagbabago.
Kaya marahil malayo ang loob sa iyo ng iyong ina at iba pang kamag-anak.
Matutuhan mo sanang irespeto ang pangakong magbabago. Lumayo ka sa masamang barkada at sikaping sumunod sa pangaral ng magulang.
Akala mo lang na hindi ka mahal ng iyong ina. Pero walang magulang na hindi nagmamahal sa anak. Hindi pa huli ang pagbabago. Pakinggan mo ang iyong konsiyensiya at sikaping dumalangin sa Panginoon para patatagin ang iyong puso sa mga tukso.
Dr. Love
(Para sa mga nagnanais na lumiham kay Dr. Love, ipadala ito sa DR. LOVE c/o PSN Libangan 202 Roberto S. Oca corner Railroad Sts. Port Area, Manila. Maaari rin mag-email sa psnlibangan@philstar.net.ph.)