Dear Dr. Love,
Mainit na pagbati na punumpuno ng biyaya ang ipinaaabot ko sa iyo.
Sana mapansin mo ang liham ko. Itago mo na lang ako sa pangalang Judy, 35 anyos at may asawa. Nagkasala ako nang mabigat sa aking asawa. Natuklasan niyang hindi siya ang ama ng aming panganay. Ang masaklap pa ay sa ibang tao niya ito nalaman kaya ganoon na lamang ang pagkasuklam niya sa akin.
Matagal ko nang pinagsisisihan ang lahat, pero nagkulang pa rin ako dahil hindi ko ipinagtapat sa kanya ang pagkakaroon ng affair sa ibang lalaki bago pa niya ako ligawan.
Hindi ko siya masisisi, Dr. Love dahil kung ako man ang nasa kalagayan niya ay mahihirapan din akong magpatawad.
Magkasama pa rin kami sa iisang bubong pero mahigit sa isang taon na kaming hindi nagkikibuan.
Ano ang dapat kong gawin?
Judy
Dear Judy,
Ikaw ang nagkamali kaya huwag kang mapagod na humingi ng tawad at magpakumbaba. Samahan mo rin ng dasal ang bawat hakbang na gagawin para sa inyong relasyong mag-asawa. Naniniwala ako na lalambot din ang tumigas niyang puso sa takdang panahon na maghilom na ang sugat.
Dr. Love
(Para sa mga nagnanais na lumiham kay Dr. Love, ipadala ito sa DR. LOVE c/o PSN Libangan 202 Roberto S. Oca corner Railroad Sts. Port Area, Manila. Maaari rin mag-email sa psnlibangan@philstar.net.ph.)