Nakadisgrasya
Dear Dr. Love,
Una po sa lahat, isang masaganang pagbati. Ang dalangin ko, sumainyo palagi ang pagpapala ng ating Poong Maykapal.
Isa po akong bilanggo, Dr. Love at ang kasalanan ko, nakapatay ako ng isang matandang lalaki na hindi ko naman sinasadya.
Habang ibinabiyahe ang isang pampasaherong bus ay biglang tumawid ang matandang lalaki. Bagaman naisugod pa sa ospital ay hindi na nakaligtas at nasawi. Hindi naman akong nangiming isuko ang aking sarili sa batas.
Halos maiyak ako sa sama ng loob, Dr. Love. Bakit nangyari sa akin ito? Inaamin kong nawalan ako ng diskarte. Pero hindi ko sinasadyang makadisgrasya ng tao.
Inuusig ako ng aking konsiyensiya. Kung matapos ko kaya ang aking sentensiya may tatanggap pa kaya ng aking serbisyo bilang driver?
Sana po mailathala ninyo ang karanasan kong ito para may makipag-penpal sa akin.
Hanggang dito na lang po at more power to you.
Sumasainyo,
Rudy del Monte
Student Dorm 232
Camp Sampaguita
Muntinlupa City 1776
Dear Rudy,
Tunay na nakapanlulumo ang pangyayaring naganap na ikinasawi ng isang tao.
Bagaman sinasabi mong hindi mo sinasadya ang nangyari, hindi mo maiaalis na magkaroon ng “guilty feeling” dahil sa pagkasawi ng matandang lalaki.
Alam ng pitak na ito na isa kang mabuting tao dahil sa kusa kang sumuko sa mga awtoridad matapos ang aksidente.
Alam din ng pitak na ito na ganap ang iyong pagsisisi sa maling diskarte mo dahil sa mabilis na patakbo mo ng sasakyan.
Huwag kang titigil sa pagdarasal at paghingi ng kapatawaran sa Panginoon. Mabait ang Diyos at ikaw ay kanyang patatawarin.
Dr. Love
- Latest
- Trending