Dear Dr. Love,
Kumusta po kayo Dr. Love. Ako po si Irma 21 anyos at nagtatrabaho bilang computer secretary.
Sumulat ako sa inyo para ihingi ng payo ang aking problema tungkol sa aking boyfriend.
Boyfriend ko na siya since we were in fourth year high school. Marami nga ang humahanga sa amin dahil tumagal kami ng ganoon.
Ang problema ko ay tutol ang mga magulang niya sa akin. Mayaman kasi sila at kami’y mahirap lang. Ang sabi ng boyfriend ko ay huwag akong mag-alala.
Hindi raw siya padidikta sa kanyang mga magulang. May banta ang kanyang magulang na itatakwil siya kapag pinakasalan ako.
Niyayaya ko siyang magpakasal na kami total pareho kaming nasa edad na pero sabi niyang wait pa kami ng ilang panahon. Tingin ko’y natatakot din siya sa banta ng kanyang mga parents. Ano ang gagawin ko?
Irma
Dear Irma,
Pagbigyan mo siya tutal bata pa naman kayo. Posible ang iniisip mo na takot siyang itakwil ng magulang at mawalan ng mana.
Pero kung mahal ka niya talaga ay hindi niya pahahalagahan ang pagtatakwil sa kanya ng magulang. Bigyan mo siya ng sapat na panahon dahil afterall, matagal-tagal din ang pinagsamahan ninyo bilang magkatipan.
Kumbinsihin mo siya na kahit mawalan siya ng mana, puwede kayong magtulong para magkaroon ng magandang future. Habang naghihintay kayo ng right timing, mag-isip kayo ng business venture. Pagtulungan ninyo at nang sa gayon ay maipakita ninyo sa kanyang magulang na kaya ni’yo ring umunlad ang kabuhayan para sa kinabukasan ng pamilyang inyong itatatag.
Dr. Love
Sa mga Overseas Filipino Workers na may problema at nangangailangan ng counseling, umugnay sa http://www.ofwonline.ateneo.edu. Ito ay bukas seven days a week. This website project specifically targets OFWs and their families in different parts of the world. - Dr. Love