Dear Dr. Love,
Isang mapagpalang araw po sa inyo at sa lahat ninyong kasamahan sa PSN.
Ngayon po ay panahon ng kuwaresma at ang karanasang isasalaysay ko sa pitak na ito ay makatutulong para ang mga taong nawawalan ng pag-asang mabuhay ay magbalik-loob sa Panginoon at magkaroon ng panibagong pag-asa sa hinaharap.
Ako po ay isang bilanggo. Ang ikinasasama nga lamang ng loob ko, ang pagkakasalang isinampa sa akin ay hindi ko kailanman ginawa. Dahil sa kawalan ng sapat na salapi natalo ako sa kasong robbery at multiple homicide. Kamatayan sa pamamagitan ng lethal injection ang hatol sa akin.
Hindi ko napigil ang pagluha sa tinamong kapalaran. Pero hindi po ako nawalan ng loob. Palagi akong nagdarasal at hinihingi sa Panginoon na bigyan pa ako ng panibagong pagkakataon sa buhay. Dininig po ito nang gumaan ang aking sentensiya.
Mula sa bitay, habang buhay na pagkabilanggo ang iginawad sa akin. Sinisikap ko pong mag-aral dito sa loob na puwede kong mapakinabangan sa sandaling muling bumaba ang aking sentensiya at makalaya na ako. Habang naghihintay ako ng isa pang milagro, nais ko pong hingin ang tulong ninyo na magkaroon ako ng mga kaibigan sa panulat.
Maraming salamat po at more power to you.
Gumagalang,
Ricky Hijada
Student Dorm, YRC Bldg.
MSC Camp Sampaguita
Muntinlupa City 1776
Dear Ricky,
Salamat sa liham mo at sana ang ipinaabot mong personal na karanasan ay magsilbing tagapagpagunita sa lahat na talagang Mabait ang Diyos at Siya ay mapagpatawad. Ang mga marunong magsisi at tumawag sa Kanya ay binibigyan ng isa pang pagkakataon sa buhay. Huwag kang magsasawang tumawag sa Kanya dahil tiyak na pagkakalooban ka pa Niya ng surpresa sa iba mo pang kahilingan.
Dr. Love