Dear Dr. Love,
Magandang araw po sa inyo sa ngalan ng ating Panginoong Jesus, nawa’y datnan kayo ng liham kong ito na nasa mahusay na kalagayan at sa lahat ninyong co-staffer sa Pilipino Star Ngayon.
Ako po si Jaime Quintana, 35 years old at nakapiit sa kasong homicide dahil sa pagtatanggol sa sarili at minamahal sa buhay. May tatlong taon na po akong nakabilanggo at sa awa ng Poong Maykapal, sa taong ito ay lalaya na ako.
Ang ikinalulungkot ko, sapol nang ako’y makulong ni hindi man lang ako dinalaw ng mga mahal ko sa buhay. Kaya naman po nais kong humingi ng tulong sa inyo para magkaroon ako ng maraming mga kaibigan sa iba’t ibang lugar.
Alam kong hindi madali ang maghanap ng mga bagong kaibigan at kakilala pagkaraan nang naging karanasan ko sa buhay. Masakit tanggapin kung ito ay totoo. Kaya dumadalangin ako na patatagin ang aking dibdib sa ganitong mga uri ng unos sa buhay.
Maraming salamat po at sana sa pamamagitan ng column ninyo, matamo ko ang hinahangad na mga kaibigan sa panulat.
Regards po uli at tatanawin kong malaking utang na loob ang paglalathala ninyo ng liham kong ito.
Lubos na umaasa at gumagalang,
Bro. Jaime Quintana
4-D Student Dorm Bldg. 4
MSC Camp Sampaguita
Muntinlupa City 1776
Dear Bro. Jaime,
Isang masaganang pagbati sa iyo at sana sa pagbasa mo ng pitak na ito mapawi ang mga hinanakit mo sa buhay.
Mahirap magbigay kaagad ng conclusion na tinalikuran ka nila dahil maaari may dahilan na nagsisilbing hadlang para sa kanila. Pero sana’y huwag kang magkimkim ng sama ng loob sa mga kamag-anak mo dahil sa hindi nila pagdalaw sa iyo.
Remember, “blood is thicker than water”. Unawain mo rin sila at sa paglaya mo, maipaliliwanag nila ang tunay na dahilan nang ipinaghihinanakit mo sa kanila.
Dr. Love