Dear Dr. Love,
Lakip sa aking pambungad na bati ay ang pag-asang mapapaunlakan mong mailathala ang aking sulat. Ako po si Anna, 27-anyos at isang call center agent.
Naglakas loob akong lumiham sa iyo tungkol sa aking problema sa pag-ibig. Noong ako’y high school pa, sa edad na 15 anyos ay nagkaroon ako ng boyfriend na kasing-edad ko. Bunga ng kapusukan at kawalan ng pagkaunawa sa pag-ibig. Nagpa-secret married kami sa isang malayung probinsya. Hindi ko alam kung legal ang kasal na ‘yon na ginawa ng isang protestant pastor na binayaran ng aking boyfriend ng five hundred pesos.
Matagal na panahon na iyon at nagkahiwalay din kami ng boyfriend ko at halos nalimutan ko na nga ang “kasalan” na ‘yon.
May kasintahan ako ngayon at niyayaya akong magpakasal. Pero naalala kong bigla ang kasalang iyon. Baka maging hadlang sa plano naming pagpapakasal ng aking kasintahan. Paano ko malalaman kung tunay ang kasalang ‘yon?
Anna
Dear Anna
Kahit hindi ako abogado, tiyak kong kasal-kasalan lang ang nangyaring ‘yon. Una, sa edad na kinse ay hindi kayo puwedeng ikasal. Labag sa batas iyan. At kung pineke ninyo ang inyong edad, infirmity pa rin iyan sa inyong kasal at matibay na ground para ito mapawalan ng bisa. Para makaseguro ka, magtanong ka sa NSO na siyang nag-iingat ng lahat ng record ng mga tao. Pero I still believe na ang nagkasal sa inyo ay pastor-pastoran lang na ang hangad ay kumita ng pera at imbalido ang naganap na kasal-kasalan.
Dr. Love
Sa mga Overseas Filipino Workers na may problema at nangangailangan ng counseling, umugnay sa http://www.ofwonline.ateneo.edu. Ito ay bukas seven days a week. This website project specifically targets OFWs and their families in different parts of the world. - Dr. Love