Hindi tunay na anak

Dear Dr. Love,

Pinagpalang araw sa iyo Dr. Love. Sa nakaraang tatlong taon ay masugid na akong tumatangkilik ng PSN at ang paborito kong pitak ay Dr. Love. Tawagin mo na lang akong Joey.

Datnan ka nawa ng aking sulat na nasa mabuting kalusugan at malayo sa ano mang problema.

Ang problema ko ay may kinalaman sa aking mga nakamulatang mga magulang, 20 anyos na ako at kamakailan ko lamang nalaman ang katotohanan sa aking buhay. Na ako pala ay anak ng kapatid ng aking ama.

Totoo pala na walang sikreto ang hindi nabubunyag, pagdating ng araw. Masakit para sa akin dahil nakalakihan ko na ako ang kaisa-isang anak ng aking mga magulang. Hindi ko na sasa­bihin kung paano ko natuklasan. Ang paliwanag sa akin ng aking ama, inampon nila ako dahil hindi sila nagkaanak ng aking ina.

At komo maraming anak ang aking “tiyo” na tunay ko palang ama, ako ay kusang-loob na ipinamigay. Ngunit masamang-masama ang loob ko at hindi ko matanggap. Masakit ding tanggapin na ako ay ipinamigay ng tunay kong mga ma­gulang. Ano ang dapat kong gawin?

Joey

Dear Joey,

May mga nangyayari talaga na ganyan. Imbes na mag-ampon ng hindi kaanu-ano, kinakalinga nila at itinuturing na anak ang anak ng malapit nilang kaanak.

Hindi mo rin dapat sisihin ang tunay mong mga magulang sa nangyari. Kung ikaw ang nasa kalagayan nila at nakikita mong nalulungkot ang iyong kapatid dahil walang supling, baka gawin mo rin iyan alang-alang sa ikaliligaya niya.

Magsilbing aral iyan sa iba. Kung mag-aampon ng anak, dapat huwag imulat sa isip ng bata na siya’y tunay na anak dahil kapag nakalakihan ito, mahirap nang tanggapin ang katotohanan.

Dr. Love

Sa mga Overseas Filipino Workers na may problema at nangangailangan ng counseling, umugnay sa http://www.ofwonline.ateneo.edu. Ito ay bukas seven days a week. This website project specifically targets OFWs and their families in different parts of the world.

Show comments