Ms. Broken
Dear Dr. Love,
Kumusta ka Dr. Love. Makarating sana sa iyo ang sulat ko na wala kang problema.
Hindi mo naitatanong, paborito kong basahin ang iyong kolum.
Ayaw ko nang ilahad ang tunay kong pagkatao kaya sana’y tawagin mo na lang akong Ms. Broken. Talaga yatang isinilang ako para mabigo lalu na sa pag-ibig.
Lahat ng mga naging kasintahan ko, apat silang lahat - ay nagsalawahan at iniwan na lang ako.
Hindi ko alam kung bakit. Naiisip ko tuloy, ito marahil ay dahil ayaw ko silang pagbigyan sa hinihingi nila na magkaroon kami ng pre-marital sex. Hindi mo naitatanong virgin pa ako.
Naniniwala ako sa kasagraduhan ng kasal at ang sarili ko ay hindi ko dapat isuko kanino mang lalaki hangga’t di kami nakakasal. Tama ba ang ginagawa ko kahit pa lagi akong iniiwanan ng mga naging kasintahan ko?
Ms. Broken
Dear Broken,
Kung ako ang boyfriend mo, pahahalagahan kitang tulad ng isang hiyas. Tama ang ginagawa mo lalo na sa mata ng Diyos.
Naniniwala akong hindi ka pa nakakatagpo ng lalaking tunay na nagmamahal sa iyo. Lahat sila’y isa lang ang hangad: ang iyong pagkababae.
Manatili kang ganyan. Kung iniwanan ka ng mga minahal mong lalaki, hindi ikaw ang nawalan kundi sila.
Dr. Love
Sa mga Overseas Filipino Workers na may problema at nangangailangan ng counseling, umugnay sa http://www.ofwonline.ateneo.edu. Ito ay bukas seven days a week. This website project specifically targets OFWs and their families in different parts of the world.
- Latest
- Trending