Dear Dr. Love,
Kamusta sa inyo at sa lahat ng tagasubaybay sa malaganap ninyong pahayagan.
Ako po si Roger G. Gargaritano ng Himamaylan, Negros Occidental. Lumiham po ako para magpatulong na makahanap ng lifetime partner, isang babaeng maaasahan, mapagkakatiwalaan at mapagmahal.
Dapat nakapag-asawa na ako sa edad na 21 pero hindi po kami nakasal dahil siya ay menor-de-edad (16) taong gulang. Kaya minabuti naming magsama at nagkaanak kami.
Pero hindi rin kami nagkatuluyan dahil sumama siya sa ibang lalaki habang ako’y nagtatrabaho sa Saudi. Nalaman ko ang lahat nang ako’y magbalik-bayan. Kinuha ko ang aking anak sa biyenan kong hilaw at isinama papuntang Bacolod. Minabuti kong ipasok ang bata sa isang nursery na pinangangasiwaan ng mga madre para ako ay makapagtrabaho sa Baguio City, dahil hindi na ako bumalik sa Saudi.
Sa ngayon, 50 anyos na ako. Inaamuki na ako ng aking pamilya na maghanap na nang mapapangasawa. Dr. Love, umaasa po ako na hindi ninyo ako bibiguin. Maraming salamat po at more power.
Gumagalang,
Roger Gargaritano
c/o Milagros Otod
ZC 6215 Purok 3 Barangay Jawa
Valencia, Negros Oriental
Dear Roger,
Pinupuri ka ng pitak na ito dahil hindi mo pinabayaan ang iyong anak sa kabila nang nangyari.
Ang sabi mo sa liham mo, mayroon kang magandang empleyo sa ngayon. Napatunayan mo rin na kahit pala dito sa bansa, puwede kang magtrabaho ng maganda dahil marami kang alam na trabaho.
Ang naging karanasan mo bilang OFW ay makapagbibigay din ng gabay kung ano ang karapatang dapat pangalagaan sa pagpirma ng kontrata sa pangingibang-bansa. Sana, matagpuan mo ang babaeng pinapangarap mong makasama habang buhay.
Dr. Love