Dear Dr. Love,
Bago ang lahat gusto ko munang bumati nang mapagpalang araw, gayundin sa lahat ninyong kasamahan sa PSN.
Ako po si Rocky Balindong, kasalukuyang nakapiit dito sa Camp Sampaguita, Muntinlupa City para pagsilbihan ang hatol na 17 hanggang 24 taon sa salang homicide.
Ang pagkakasalang ito ay nag-ugat sa problema ng aking kapitbahay at best friend na babae, na tinangka kong matulungan pero nauwi sa trahedya na akin ngayong pinagdurusahan.
Taong 1998 nangyari ang lahat. Nag-aaral pa ako noon nang mabulabog sa pagsisigawan nang kapitbahay kong mag-ina na ang nakababata ay aking best friend.
Tawagin na lang po natin ang mag-inang ito na Meliza at Mareng.
Minsan tinanong ko si Meliza kung bakit lagi silang nag-aaway na mag-ina at ipinagtapat niya sa akin na pinipilit daw siya ng ina na maging kabayaran sa kanyang mga pagkukulang sa isang beer house.
Pinayuhan ko si Meliza na huwag sumunod sa kanyang ina kung labag sa kanyang kalooban na ibenta siya sa mga dayuhang parokyano ng isang hotel para magbenta ng aliw.
Dahil sa problema ng aking best friend ay humingi ako nang tulong sa aking mga kabarkada para mailigtas si Meliza sa pamimilit ng kanyang ina.
Lumakad kami nang gabing yaon para maitakas si Meliza sa pinagdalhan sa kanya ng ina.
Naitakas naman namin ang best friend ko pero nahuli ako ng dayuhan. Sa pangambang ako ay buweltahan ng kanyang galit, nagbunot ako ng baril at pinaputukan ko siya.
Huli na nang manumbalik ang aking hustong kaisipan mula sa pagkakatulala sa nangyari.
Tumakas ako kasama ang mga barkada pagkaraang mabaril ang dayuhang humabol sa akin.
Ang akala ko noon, hindi na magkakabukuhan sa nangyari pero isang araw, mayroong mga kumatok sa aming bahay.
Binuksan ng aking ina ang pinto at nagulat siya nang makitang mga pulis ito at sinabing hinahanap ako para panagutin sa pagkakapatay sa isang dayuhan.
Nagulat ang aking ina sa tinanggap na impormasyon. Tinangka ko sanang manlaban sa mga dumating na may warrant of arrest. Kinuha ko ang aking baril at tangkang magpaputok uli.
Pero ang ina ko ang siyang nagpayo sa akin na sumuko at mahinahong sumama sa arresting officers.
Dahil sa pakiusap ng aking ina, ibinaba ko ang sandata at sumama sa mga umaresto sa akin.
Gusto ko sanang sisihin si inay sa pagkakadakip sa akin pero hindi ko magawa ito dahil alam ko ang aking ina ay hindi konsintidora.
Bagaman mahal niya ako, nais niyang tumino ako at panagutan kung ano man ang aking nagawang kasalanan.
Mula sa kasong murder, ang demanda ay naibaba sa homicide at pagkaraan ng paglilitis, bumaba ang hatol na pagkabilanggo nang mula 17 hanggang 24 taon.
Umiyak ako nang maibaba ang sentensiya. Kung hindi sana ako naging over-eager, baka hindi ko napatay ang dayuhang yaon.
Natanto kong mali ang prosesong ginamit ko sa pagtulong sa aking best friend.
Ngayon nga ay nakakulong ako sa pambansang piitan at sa kasalukuyan ay nag-aaral ako para mapaghandaan ang aking kinabukasan sa aking paglaya.
Kailangan ko po ang inyong payo para sa kapanatagan ng aking pag-iisip at paninisi sa sarili sa sinapit kong ito.
Maraming salamat po at more power po.
Sincerely,
Rocky Balindong
Dorm 6-C Bldg. 6
Camp Sampaguita
Muntinlupa City 1776
Dear Rocky,
Mapalad ka sa pagkakaroon ng isang ina na nagmamahal sa iyo.
Gaya nang sinabi mo, hindi kunsintidor ang iyong inay at nais niyang maituwid ang iyong kamalian.
Walang inang nais na makulong ang anak. Pero para sa sariling kapakanan mo, tiniis niyang maaresto ka ng mga alagad ng batas dahil sa nagkasala ka.
Ikaw na rin ang umamin na nagkamali ka sa prosesong ginawa mo.
Sana humingi ka ng tulong sa mga awtoridad para maisuplong ang ina ng kaibigan mo para hindi ka saktan ng dayuhang humabol sa iyo sa pagpapatakas sa kaibigan mong pinipilit na magbenta ng aliw.
Maganda sana ang layunin mo pero mali ang sistemang ginamit mo para matulungan ang iyong kaibigan.
Dr. Love