Binabalikan

Dear Dr. Love,

Una sa lahat ay binabati muna kita sa napakaganda mong kolum na nakatutulong sa mga may love problems.

Pakitago mo na lang ako sa pangalang Lucia. Dati akong may kasintahang mahal na mahal ko. Pero isang taon na kaming walang komunikasyon. Bigla na lang siyang nawala at hindi nagpaalam.

Ngayo’y nakatakda naman akong ikasal sa ibang lalaki. Mahal ko rin pero hindi kasing-tindi nang pagmamahal ko sa una kong boyfriend. Pero biglang nagbalik ang boyfriend ko at hindi matanggap na ikakasal na ako.

Mahal ko pa rin siya kahit ginawa niya sa akin ang lumayo nang walang paalam. Puwede ko bang kanselahin ang naka­takda kong kasal?

Lucia

 

Dear Lucia,

Nasa sa iyo ang desisyon pero mag-isip-isip ka. Future mo na ang nakataya sa magigng desisyon mo.

Ang lalaking minahal mo nang totoo ay nawala nang isang taon nang hindi maipaliwanag sa iyo kung bakit ka nilayuan.

Sa tingin mo ba’y liligaya ka sa piling niya? Kung minsan, ang puso ay mandaraya. Gu­magawa tayo ng padalus-dalos na desisyon na sa dakong huli’y magdudulot lang ng kasiphayuan. Kaya pakaisipin mo at timbangin ang gagawin mong pasya.

Kung ako sa iyo, kalilimutan ko na ang dati mong boyfriend.

Dr. Love

Sa mga Overseas Filipino Workers na may problema at nangangailangan ng counseling, umugnay sa http://www.ofwonline.ateneo.edu. Ito ay bukas seven days a week. This website project specifically targets OFWs and their families in different parts of the world.

Show comments