Nagbago ng ugali
Dear Dr. Love,
Hi, Dr. Love. Kumusta ka? Bayaan mong batiin muna kita sampu ng staff ng Pilipino Star NGAYON at mga milyun mong suking tagasubaybay.
Harinawang sumakamay mo ang sulat ko na nasa mabuti kang kalagayan. Kung puwede, ikubli mo na lang ako sa pangalang Mr. Blue.
Tuwing umaga, kasama na sa almusal ng aking pamilya ang PSNGAYON. Lagi naming tinatangkilik ang maganda niyong pahayagan. Walang palya ang pagbili ko ng diyaryong ito. Sumulat po ako sa inyo dahil gusto kong mabasa ito ng ibang mga tagasubaybay ng Dr. Love.
Nagtataka ako sa inuugali ng kasintahan kong tawagin mo na lang Cynth. Call center agent siya at ang relasyon namin ay isang taon at dalawang buwan na. Pero nitong nakaraang ilang araw simula noong Pasko ay parang malamig nasiya sa akin. Hindi na siya gaya ng dati na magiliw sa tuwing magkikita kami. Mahal pa kaya niya ako?
Mr. Blue
Dear Mr. Blue,
Likas sa tao ang nagbabago ng mood. Baka may problema siya na hindi masabi sa iyo. Pag-usapan ninyong mabuti.
Alamin mo ang dahilan kung bakit siya nagkakaganyan dahil bilang kasintahan niya ay kailangan mo siyang damayan at tulungan.
Ngayon, sa tanong mo kung mahal ka pa kaya niya, isang bagay iyan na usisain mo sa kanya. Kung may third party, magkalinawan kayo at bigyan mo siya ng laya kung kailangan
Dr. Love
(Sa mga Overseas Filipino Workers na may problema at nangangailangan ng counseling, umugnay sa http://www.ofwonline.ateneo.edu. Ito ay bukas seven days a week. This website project specifically targets OFWs and their families in different parts of the world.)
- Latest
- Trending