Mahal ba niya ako?
Dear Dr. Love,
Isa pong mapagpalang araw ang bati ko sa inyo at sa iba pa ninyong mga kasamahan sa Pilipino Star NGAYON.
Ako po ay isang balo sa edad na 45. Ang aking kabiyak ng dibdib ay namayapa na may limang taon na ang nakalilipas at ang tanging naiwan niyang alaala sa akin ay ang dalawa naming anak.
Ewan ko po kung ano ang pumasok sa aking isipan at hindi ko maipaliwanag kung bakit pagkaraang yumao ang aking asawa, saka ko napag-isip kung talagang mahal niya ako.
Dangan kasi, ang kasal namin ay parang kasunduan ng aming mga magulang bagaman nanligaw din naman siya sa akin pero ang damdam ko, parang bunsod lang ito ng pang-uurot ng kanyang mga magulang at kapatid.
Tinanggap ko rin naman ang kanyang panliligaw dahil type ko naman siya bukod sa isa naman siyang responsableng asawa at ama ng aming mga anak.
Limang taon ang tanda niya sa akin at mayroon nang magandang trabaho at nakapundar na ng sariling bahay at lote.
Wala akong maidadaing kung ang pag-uusapan ay mga material na bagay at pagiging maalalahanin. Kung hindi man niya nasasabi sa akin ang mga katagang “I love you” na siyang hinahanap ng isang romantikang tulad ko, damdam ko naman ang kanyang pagmamahal sa aming mag-iina.
Hindi ko alam kung naging maligaya siya sa panahon ng aming pagsasama. Ang alam ko lang, naging maligaya naman ako noon.
Pero ang pagdadalawang-isip kung talagang minahal niya ako nang lubos noong panahong nabubuhay siya ay nag-ugat sa sinabi niya sa akin noong malapit na niyang ipikit ang kanyang mga mata matapos siyang maatake sa puso.
Hindi niya sinabing minamahal niya ako kundi “Thank you.”
Ang sabi ko, hindi niya ako dapat pinasalamatan dahil asawa niya ako at obligasyon kong alagaan siya hanggang wakas.
Ito po ay isang malaking palaisipan sa akin. Payuhan mo po ako.
Yours sincerely,
Perplexed
Dear Perplexed,
Mayroon ka bang guilty feeling kung kaya’t pinoproblema mo kung talagang minahal kang totoo ng yumao mong asawa?
Kung hindi man, baka naman hindi mo rin ipinadama sa kanya ang totohanang pagmamahal dahil nga hindi sinasabi ng iyong asawa na love ka niya?
Kung ako ang tatanungin mo, ang pagpapasalamat niya sa iyo bago siya sumakabilang-buhay ay isang pagpapakitang minahal ka niya at pagbabadya na baka dahil nga hindi siya masyadong demonstrative sa kanyang nararamdaman ay nag-aalala siyang siya lang ang nagmahal sa iyo.
Anyways, ipagdasal mo siya lagi nang taimtim at kahit wala na siya sa piling ninyong mag-iina, ipakita mong hanggang ngayon ay mahal mo pa rin siya.
Ang isang taong may bumabagabag sa kanyang pagyao ay nagpapakita sa panaginip o kaya’y nagpaparamdam ng kanyang presensiya kahit nasa kabilang buhay na siya.
Kuntento siyang umalis dahil alam nga niyang mahal mo siya at minahal ka rin niya.
Puwede kang magtanong sa sarili kung mahal ka ng iyong asawa kung mayroon siyang babae. Pero base nga sa sulat mo, wala naman.
Kaya huwag mo nang isipin ang isyung ito dahil ang dalawang anak na naiwan niya sa iyo ay pagpapakita na mahal ka niya at wala nang iba.
Dr. Love
- Latest
- Trending