Dear Dr. Love,
Sa pagpasok ng taong 2010, bayaan mong hatdan kita ng mainit na pagbati at dalanging mabiyaya at puno ng grasya para sa iyo ang taong ito.
Kung puwede lang ay itago mo na lang ako sa pangalang Lagrimas. Malungkot na pangalan na ang kahulugan ay luha. Nakalipas na naman ang Pasko at Bagong Taon. Sa pagsapit ng panahong ito’y nalulumbay ako at batbat ng pangungulila sa pamilya ko na maraming taon ko nang hindi nakikita.
May limang taon na akong iniwanan ng aking asawa at dalawang anak. Masakit Dr. Love dahil ako’y pinaratangan nilang nagtataksil.
Working mother kasi ako. Maliit ang sahod ng aking mister kaya tinulungan ko siya sa paghahanap-buhay. Dahil sa aking kasipagan bilang sekretarya, napalapit ako sa aking amo. Mabait siya at hindi mapagsamantala. Mabilis ang aking promotion at nagkaroon ng tsismis na may relasyon kami. Ito ang dahilan kung bakit iniwanan ako ng aking asawa’t mga anak. Balita ko’y may iba nang kinikilalang ina ang mga anak ko.
Sana’y makarating sa kanila ang mensahe kong ito para malaman nilang nagkakamali sila ng hinala at ako’y nangungulila sa kanila.
Lagrimas
Dear Lagrimas,
Kung totoong hindi ka nagtaksil kailanman, napakahina naman ng tiwala sa iyo ng iyong asawa na dapat sana’y nagsiyasat na mabuti upang makita ang buong katotohanan. Isa pa, dapat sana, noon pa mang nabubuo ang maling hinala ng iyong asawa’y nagresign ka na. Maganda ang intensyon mong tumulong sa paghahanapbuhay pero ang relasyon ng mag-asawa ay higit na mahalaga kaysa pera. Dumadalangin ako na sana’y mabuo pa rin ang inyong pamilya.
Dr. Love