Kambal na kapalaran

Dear Dr. Love,

Magandang araw po ang hatid naming pagbati sa inyo sa ngalan ng ating Poong Maykapal.

Ang hangad po naming magkaibigan ay patuloy pang magtagumpay ang inyong pahayagan at higit sa lahat, ang sikat ninyong column.

Sa ngayon po, nakapiit ako rito sa pambansang bilangguan kasama ang aking kaibigan.

Dalawa kaming nakasuhan at pareho kaming nahatulan.

Aminado po naman kaming dalawa na kami ay nagkasala sa batas at higit sa batas ng ating Panginoon.

Ako nga po pala si Roldan Marca, 29 years-old at graduating this year sa kursong B.S. Commerce major in Marketing Management. Ang kaibigan ko po namang si Apol Sejane, 31 years-old ay third year sa kahalintulad na kurso.

Bagaman kapwa kami nag-aaral, pareho kaming sakbibi palagi ng kalungkutan sa tuwing maaalala ang masasaya naming nakaraan noong kapwa hindi pa kami nakabilanggo.

Mayroon akong girlfriend noon at si Apol naman ay mayroong asawa.

Pero para namang sinasadya ng tadhana, kapwa kami iniwan ng mga babaeng aming minamahal.

Iniwanan na ako ng aking nobya sa takot na ma­iwanan siya ng panahon sa paghihintay sa aking paglaya. Ganoon din si Apol. Sumama na sa ibang lalaki ang kanyang maybahay.

Kaya kapwa kami nagsisikap na magpatuloy ng pag-aaral sa pag-asang sa paglaya namin, muli kaming makakabuo ng pangarap at makakatagpo ng ibang babaeng tunay na magmamahal sa amin.

Sinisikap naming makabangon sa kinadapaan. Pinagsisisihan namin ang nagawang kasalanan at umaasang magbabalik ang kumpiyansa sa sarili dahil sa nangyari sa aming buhay.

Sana po, Dr. Love, matulungan ninyo kaming dalawa na makahanap ng kaibigan sa panulat sa pamamagitan ng inyong column.

Hangad naming dalawa na magkaroon ng kaibigan na magpapahalaga sa amin bilang tao at uunawa sa aming kalagayan.

Maraming salamat po at more power to you.

Gumagalang,

Roldan Marca

4-D College Dorm,

Camp Sampaguita,

Muntinlupa City, 1776

P.S. Maaaring sulatan si Pol Sejane sa katulad na address.

Dear Roldan,

Salamat sa liham mo at sa pangungumusta ng pitak na ito sa iyo, kasama na rin ang regards sa kaibigan mong si Apol.

Para nga kayong kambal. Matalik na magka­ibigan na ang kapalaran ay iisa. Nakulong sa isang pagkakasala at kapwa kayo iniwan ng mga ba­baeng inyong minamahal.

Mabuti at naisipan ninyong ipagpatuloy ang pag-aaral. Bukod sa nahahasa pa ang inyong talino at nagkakaroon kayo ng mga bagong kaalaman, nalilibang pa kayo at nabubuhayan ng panibagong pag-asa.

Bukod sa pag-aaral, sana huwag ninyong kalimutan ang pananalangin tuwina para lalong tumibay ang inyong pananalig sa Dakilang Lumikha.

Sa Kanya kayo humingi ng tawad sa nagawang kasalanan at sa Kanya rin kayo tumawag para manatiling matatag ang inyong dibdib sa mga hamon ng buhay.

Ang matapat na pagsisisi sa nagawang kasalanan ay diringgin ng ating Panginoon. Huwag kayong bibitiw sa Kanya.

Dr. Love

Show comments