Dear Dr. Love,
Kumusta po kayo, Dr. Love? Lubos akong umaasa na nasa mabuting kalusugan kayo sa pagtanggap ng aking sulat. Matagal na akong masugid na tagabasa ng Pilipino Star NGAYON.
Naglakas-loob akong lumiham sa iyo dahil sa aking problema. Pakitago mo na lang ako sa pangalang Broken-hearted, binatang 30- anyos. Naging miserable ang buhay ko sapul nang iwanan ako ng babaeng aking inibig nang tapat pero sa dakong huli’y nagtaksil sa akin.
Nagsama kami ni Lorna sa iisang bubungan sa loob ng isang taon at kalahati. Sa kanya lamang umikot ang daigdig ko. Pero di ko sukat akalain na kapag ako’y nasa trabaho ay may katipan siyang ibang lalaki. Nakumpirma ko ito nang minsang maaga akong umuwi. Hindi mabuti ang pakiramdam ko noon at parang lalagnatin kaya nag-half day ako.
Hindi ko akalaing bubulaga sa akin ang isang tagpong dudurog sa puso ko. Si Lorna na may katalik na ibang lalaki. Nakapagtimpi ako dahil may takot ako sa Diyos. Pinalayas ko na lang siya kahit masama ang loob ko.
Pakiramdam ko’y gumuho ang daigdig ko at gusto ko nang wakasan ang sarili kong buhay.
Ano ang gagawin ko para mapawi ang pait sa aking dibdib?
Broken-hearted
Dear Broken-hearted,
Hindi pa katapusan ng mundo at huwag mong bayaan na ang isang masaklap na karanasan ay maging daan para maging miserable ka habambuhay.
Mahirap mang lumimot, hindi imposibleng gawin ito. May kasabihan na mas mabuting umibig at mabigo kaysa lubos na hindi umibig. Kung minsan, ang pagmamahal ay may kaakibat na sakit at sakripisyo.
Kalimutan mo na ang nakaraan at marami pang pag-ibig na naghihintay sa iyo.
Dr. Love
(Sa mga Overseas Filipino Workers na may problema at nangangailangan ng counseling, umugnay sa http://www.ofwonline.ateneo.edu. Ito ay bukas seven days a week. This website project specifically targets OFWs and their families in different parts of the world.)