Ayaw nang umibig
Dear Dr. Love,
Kumusta ka, Dr. Love? I pray that my letter will reach you na ikaw ay nasa mabuting kalusugan. Matagal na akong avid reader ng Pilipino Star NGAYON. Di ko akalain na isa rin ako sa mga susulat sa iyo upang humingi ng ginintuan mong payo.
Pakitago mo na lang ako sa pangalang Lonely Boy. Trenta-anyos na ako at laging sawi sa pag-ibig. Tatlo na ang babaeng naka-live in ko. Minahal ko silang lahat pero ang isinukli nila ay kataksilan. Ang una kong nakapartner ay nakilala ko sa isang club. Isa siyang hospitality girl pero mabait at nagkahulugan ang aming damdamin.
Subalit anim na buwan lang kaming nagsama at sumama siya sa ibang lalaki. Mayaman at de-kotse ang lalaking ito. Naisip ko na pera lang ang habol ng aking ex-girlfirend. Ang pangalawa ko ay hiwalay sa asawa. Isa’t kalahating taon kaming nagsama pero nagkahiwalay kami nang balikan siya ng kanyang mister.
Nang makilala ko ang sumunod kong naka-live-in, akala ko’y magtatagal kami. Maganda siya at siya ang pinakamahal ko sa lahat ng nakapiling kong mga babae. Pero tulad din siya ng iba. Iniwan ako nang may nanligaw sa kanyang mas guwapo sa akin.
May maganda akong trabaho pero talagang malas yata ako sa pag-ibig. Gabi-gabi’y nilalango ko na lang ang aking sarili sa beer- house at kahit panandalian man lang ay sumasaya ako sa piling ng mga GRO.
Ayaw ko nang umibig kung hindi rin lang ako makakatagpo nang karapat-dapat sa akin. Ano ang dapat kong gawin? Saan ako makatatagpo ng ulirang babae? Sana’y matulungan mo ako.
Lonely Boy
Dear Lonely Boy,
Tatlong beses ka nang nagkaroon ng partner pero puro live-in. Hindi sa minamaliit ko ang mga babaeng payag makipag-live-in pero saang lupalop mo ba sila natatagpuan? May hospitality girl at may hiwalay sa asawa na ang background ay sanay sa broken relations. Ano namang tibay ng relasyon ang maaasahan mo kung ganyan?
Sa pagkakaalam ko, ang marangal na babae ay may pagpapahalaga sa kasal. Kaya huwag ka nang magtaka kung sa dakong huli ay iniiwanan ka ng mga babaeng kinasama mo. Wala silang pagpapahalaga sa permanence o pagiging pangmatagalan ng relasyon.
Dr. Love
- Latest
- Trending