Konsensya

Dear Dr. Love,

Tawagin mo na lang akong Belinda, 30-anyos at may asawa’t dalawang anak. Noong araw ay may kasintahan ako bago ko nakilala ang aking asawa. Siya ang una kong pag-ibig at minahal ko siya nang buong kaluluwa. Pero mapagbiro ang kapalaran. Nagkalayo kami nang papag-aralin siya ng kanyang mga magulang sa Amerika.

 Bago siya lumipad patungong Amerika ay nagtagpo kami na humantong sa aming pagtatalik na nagbunga ng buhay sa aking sinapupunan. Hindi pa nagtatagal ang pangyayaring yaon nang makilala ko ang aking mister ngayon. Ginawa ko siyang panakip-butas para magkaroon ng ama ang aking dinadala. Agad ko ring ipinaubaya sa kanya ang aking pagkababae para mabuo sa paniniwala niya na anak niya ang dinadala ko. Pinanagutan naman niya ang anak ko at buo ang paniniwala niyang sa kanya yaon. Hanggang sa nagkaroon pa kami ng isang anak.

Ngunit habang nagtatagal at nadedevelop ang pag-ibig ko sa kanya ay binabagabag ako ng aking konsensya. Dapat ko bang ipagtapat sa kanya ang totoo?

Belinda

Dear Belinda,

Kung ako ang tatanungin, dapat lang niyang malaman ang totoo. Ngunit kung gagawin mo iyan, dalawang bagay ang puwedeng mangyari: Ang maunawaan ka niya o isum­ pa ka niya at kasuklaman dahil sa mahabang panahong panloloko mo sa kanya.

Kung ipaglilihim mo sa kanya iyan, habambuhay ka ring susumbatan ng iyong budhi pero ang kapalit ay ka­ayu­san ng inyong pamilya. Kaya bago ka gumawa ng desis­yon, tim­ bangin mo ang sitwasyon. Handa ka bang sum­batan ng iyong budhi habambuhay habang nananatiling buo ang in­yong pamilya o magsabi nang totoo pero mala­mang mawa­sak ang inyong pamilya? Komplikado ang problema mo.

Dr. Love

Show comments