Madilim ang kahapon
Dear Dr. Love,
Umaasa po ako na nasa mabuti kayong kalagayan sa pagtanggap mo ng liham ko. Mangyaring pakitago niyo na lang ako, Dr. Love, sa pangalang Melba.
Ikinahihiya ko ang aking dating gawain. Isa akong prostitute noon. Napilitan lang akong pasukin ang trabahong ito dahil sa umaasa akong mahahango ako sa hirap kasama ang aking mga magulang at kapatid.
Hindi ko talaga hinangad na magkaganito. Isang recruiter ang dumating sa aming lalawigan na may magandang pangako. Ipapasok daw ako sa isang malaking restaurant na magsisilbing training ground para ako makapag-abroad sa Singapore.
Tatlo kaming nasilo ng ganitong taktika. Pagdating sa Maynila ay hindi restaurant ang pinasukan namin kundi isang kasa. Isang taon akong nagtrabaho sa kasang yaon at pikit-matang tinanggap ko ang aking kapalaran. Hanggang isang araw ay ni-raid ng mga pulis ang kasa at doon pa lang ako nakawala.
Ngayon ay lagi akong nag-iisa sa aking silid at ayaw kong makipag-usap kahit kanino dahil sa masaklap kong karanasan. Gusto kong magbalik sa normal ang buhay ko pero paano ang aking gagawin?
Melba
Dear Melba,
Palagay ko’y nangangailangan ka ng psychological debriefing. Ibig sabihin, kailangan mo ang tulong ng isang psychologist para mapawi ang hindi magandang nararamdaman mo ngayon.
Ngunit bayaan mong pagpayuhan kita. Isipin mo na lang na hindi lang ikaw ang may ganyang kapalaran. Pero yung iba’y nakabawi at nakahulagpos sa dakong huli at ngayo’y nabubuhay ng normal.
Ikaw lang at wala nang iba ang makatutulong sa iyong sarili. Ilagay mo na sa iyong likuran ang masaklap mong karanasan at harapin ang naghihintay na magandang kinabukasan.
Dr. Love
- Latest
- Trending