Batugang mister
Dear Dr. Love,
I have been an “addicted” reader of Pilipino Star NGAYON for five years now. Isa sa paborito kong basahin ay ang iyong love column, Dr. Love. Tawagin mo na lang akong Romina, 41-anyos at may asawa.
Isa akong maybahay na matatawag na haligi ng pamilya. Buhay na buhay ang asawa ko pero batugan.
Noong una’y hindi siya ganyan. Pareho kaming may trabaho. Pero nakaranas siya ng intriga sa pinapasukan niyang trabaho. Na-demote siya sa tungkulin at ito’y isang bagay na ikinainis niya. Hanggang sa mag-resign siya at hindi na humanap ng trabaho. Dalawang taon na ang nakalilipas at ang tanging ginagawa niya ay mga gawaing-bahay. Nagluluto, naglalaba.
Paano ko kaya siya mamo-motivate na magtrabaho uli?
Romina
Dear Romina,
Hindi batugan ang mister mo kung siya ang gumagawa ng mga gawaing-bahay na dapat ikaw ang gumagawa. Nagkataong biktima kayo ng mga hindi magandang pangyayari.
Matatawag mo siyang tamad kung wala na siyang ginawa kundi humilata sa bahay o kaya’y magsugal o uminom. Pero it seems, mabuting asawa pa rin ang mister mo.
Huwag kang maiinis sa kanya. Bagkus, bigyan mo siya ng encouragement at motibasyon para mabalik sa normal ang inyong buhay. Dapat talaga ay lalaki ang nagtatrabaho at ang babae ang gumagawa ng mga gawaing-bahay.
Dr. Love
(Sa mga Overseas Filipino Workers na may problema at nangangailangan ng counseling, umugnay sa http://www.ofwonline.ateneo.edu. Ito ay bukas seven days a week. This website project specifically targets OFWs and their families in different parts of the world.)
- Latest
- Trending