Dahil sa sadistang bayaw
Dear Dr. Love,
Isang mapagpalang araw ang aking pagbati sa inyo, sampu ng lahat ng mga bumubuo ng malaganap ninyong pahayagan.
Ako po si Elmer Sialana, 27-anyos, isinilang at lumaki sa Mindanao.
Namulat po ako sa simpleng pamumuhay ng aming pamilya.
Lumiham po ako sa inyo para maibahagi ang malungkot kong kapalaran sa buhay at kung paano ako napasok dito sa pambansang bilangguan.
Tatlo po kaming magkakapatid at ako ang tumatayong ulo ng aming tahanan mula nang mamayapa ang aking ama. Sumakabilang-buhay na rin po ang aming ina.
Tunay nga po palang isinilang tayo sa mundong ibabaw na may kanya-kanyang nakatakdang kapalaran.Ang akin pong pagkabilanggo ay hindi ko pinangarap man lang.
Ang tanging hangad ko lang po sa buhay ay maitaguyod ang edukasyon ng aking mga nakababatang kapatid.
Hindi ko inaasahan na darating sa aking buhay ang isang matinding unos na hindi ko matanggap.
Bunsod ito ng kawalanghiyaan ng sadista kong bayaw. Ang kapatid ko pong babae na sumunod sa akin ay nakapag-asawa ng isang lalaking ubod ng sadista at iresponsable.
Maraming ulit na umuuwi sa amin ang aking kapatid na pasa-pasa ang iba’t ibang bahagi ng katawan.
Bilang ama ng pamilya, kinausap ko ang aking bayaw. Sinabi ko sa kanya na walang mag-asawang hindi nagkakaroon ng problema at sigalot. Pero kailangan itong lutasin nang maayos ng hindi kailangang manakit ng babaeng kabiyak.
Hindi ako pinakinggan ng aking bayaw. Tanging ang sariling desisyon lang niya ang nasusunod.
Dumaan pa ang mga araw at talagang wala nang pagbabago ang aking bayaw.
Kaya nang umuwi uli sa bahay ang aking kapatid, hindi ko na pinagtakhan ang kanyang desisyon na makipaghiwalay na sa asawa.
Hindi na raw niya matatagalan pa ang pang-aabuso ng kanyang asawa. Nirespeto ko ang desisyong iyon ng aking kapatid.
Pero dumating sa bahay ang aking bayaw at pinipilit na iuwi siya sa kanilang tahanan.
Nang magmatigas ang aking kapatid, sinapak siya nito at nawalan ng malay-tao ang aking kapatid.
Hindi ko na natiis ang pagmamaltratong ito ng aking sadistang bayaw. Pilit ko siyang pinaaalis sa aming tahanan pero nanlaban siya at nagbunot ng patalim.
Pilit kong inagaw ang kanyang patalim. Sa hindi ko malamang dahilan at dahil sa malaking galit sa aking bayaw, ang armas ay naagaw ko nga pero naisaksak ko ito sa kanya.
Namatay ang aking bayaw at sumuko ako sa mga may kapangyarihan. Kaya heto ako, nahatulang mabilanggo sa hindi ko sinasadyang pagkakapatay sa sadistang bayaw.
Kaya nga po, ang hiling ko sa inyong mga mambabasa, unawain din ang kalagayan ng mga bilanggo dahil ang karamihan sa amin dito ay biktima lang ng mga hindi sinasadyang pangyayari at hindi kami rito pawang masasamang tao.
Ang hiling ko po naman sa inyo, sana ay magkaroon ako ng mga kaibigan sa panulat para maibsan ang aking kalungkutan dito sa kulungan.
Maraming salamat po at more powe to you.
Elmer Sialana
Student Dorm 4-B,
YRC, MSC, Camp Sampaguita,
Muntinlupa City 1776
Dear Elmer,
Salamat sa liham mo at inaasahan naming sa pamamagitan ng paglalathala ng iyong malungkot na karanasan, mayroong mga mambabasang liliham sa iyo para makipagkaibigan.
Alam mo Elmer, ang mga mambabasa ng Pilipino Star NGAYON ay hindi naman mabilis na humahatol sa mga bilanggo. Alam naman nila na marami sa inyo diyan ay hindi talagang talamak ang kasamaan kundi biktima lang ng mga pangyayaring hindi nila nakayanang mapigilan.
Ikinalulugod ng pitak na ito na nagpapatuloy ka ng pag-aaral diyan sa loob at ang mga matututuhan mo diyan ay magsisilbing gabay sa iyo sa sandaling lumaya ka na.
Pagbutihin mo ang pagpapakita ng kabutihang asal diyan sa loob para makuwalipikado ka sa parole o commutation of sentence.
Ang pagsisilbi ng hatol sa piitan ay isang magandang paraan para mabigyan pa ng isang magandang pagkakataon ang mga nakagawa ng kasalanan para makapagbagong-buhay.
Huwag kang makakalimot na tumawag sa Panginoon na siyang gagabay sa iyo sa pagkakaroon ng isang magandang bukas pagkaraan ng nakaharap mong daluyong ng buhay.
Dr. Love
- Latest
- Trending