Paano ko patutunayang wala akong sala?
Dear Dr. Love,
Isang mapagpalang araw sa inyo at sa inyong mga kasamahan sa sikat ninyong pahayagan.
Ako po si Jhomar Tubil, 38 taong-gulang at kasalukuyang nakapiit sa pambansang bilangguan.
Bago po ninyo ako husgahan, hayaan po ninyong ilahad ko ang mga pangyayaring nagbigay-daan sa aking pagkakabilanggo.
Taong 2004 po noon, buwan ng Hulyo.
Noon po ay isa akong driver ng motor sa aming lugar sa Iloilo. Habang ako po ay nagpapasada dakong ala-una ng gabi, may isang lalaking sumakay sa akin. Siya ay duguan at nagpapahatid sa akin sa isang malapit na ospital.
Hindi ko naman sukat-akalain na ang lalaki palang iyon ay isang miyembro ng gang at siya pala ay hinahabol ng mga pulis.
Nang makita ng mga tumutugis na pulis na lulan siya ng aking motorcycle, hinuli ang lalaki at pati ako ay isinama sa himpilan para imbestigahan.
Mabilis ang mga pangyayari. Ipinasok din nila ako sa karsel at pinaratangang kasama sa naganap na patayan.
Pinabulaanan ko ang bintang nila sa akin. Pero pinahirapan nila ako.
Hindi naman naglaon at isang babae ang dumating. Itinuro niya akong siyang pumatay sa kanyang anak.
Dahil walang ibang tao noon sa himpilan kundi ang lalaking aking pasahero at mga pulis, nadiin kaming dalawa na siyang bumaril at pumatay sa kanyang anak.
Walang nangyari sa aking pagpapabulaanan sa bintang na iyon.
Alam ng Panginoon na wala talaga akong kasalanan.
Maraming hearing ang naganap hanggang sa ibaba ang hatol. Kaming dalawa ay nahatulan ng pagkabilanggong mula anim hanggang 10 taon.
Naging bingi at bulag sa akin ang batas.
Napaiyak ako sa naging hatol sa akin. Mayroon kasing sakit na cancer ang aking ina at ako ang tanging inaasahan niya.
Namatay siya nang hindi ko man lang nasilayan.
Wala talaga akong kasalanan. Pero hindi sila naniwala sa akin.
Salamat po sa pag-uukol ninyo ng panahon sa liham kong ito.
Regards uli at more power.
Lubos na gumagalang,
Jhomar Tubil
4-C Student Dorm,
THDC Department,
YRC Bldg., Camp Sampaguita,
Muntinlupa City 1776
Dear Jhomar,
Maraming salamat sa liham mo.
Mayroon tayong mga sinusunod na proseso ng batas sa mga naaakusahan sa kaso. Maaaring ang ikinaso sa iyo ay accessory sa krimen o kasapakat sa krimen ng iyong pasahero dahil tumakas siya pagkaraang maganap ang krimen. At nahuli siya sa sasakyan mo.
Sana umapela ka matapos ibaba ang hatol dahil sinasabi mo nga na wala kang kasalanan sa iniaakusa sa iyo.
May kinuha ka bang abogado? Mayroon namang mga abogadong walang bayad na puwede mo sanang nahingan ng tulong.
Wala bang tumulong sa iyong mga kamag-anak?
Sana, mayroong makabasa nitong abogado para matulungan ka kung puwede pang maiapela ang kaso mo at kung mayroon kang bagong ebidensiyang maihaharap na wala ka talagang kinalaman sa naturang pamamaslang.
Dr. Love
- Latest
- Trending