Itinakwil
Dear Dr. Love,
Isa pong mapagpalang araw sa inyo at sa lahat ng mga bumu buo ng malaganap ninyong pahayagan.
Hindi po kaila sa inyo na ang isang tulad kong bilanggo ay mayroong malungkot na buhay dito sa tinatawag nilang “libingan ng mga buhay”.
Dumaranas ako ng pangungulila at kalungkutan lalo na at walang bumibisita sa akin para alamin kung ano ang kalagayan ko rito.
Dahil sa pagkakakulong ko sa hindi sinasadyang pagkakapatay ko sa nagtangka sa aking buhay, itinakwil na ako ng aking mga magulang.
Ang babae namang pinagtiwalaan at pinangsanlaan ko ng aking pagmamahal ay wala na rin matapos waldasin ang kaunting naimpok ko para sa aming kinabukasan sana.
Wala na akong masulingan. Walang mapaghingahan ng mga problema.
Ako nga po pala si Christopher Vergara, 36 years-old.
Dati ay mayroon akong pinagkikitaan o trabaho sa aming lugar. Subali’t sa hindi sinasadyang pangyayari, nakapatay ako ng tao. Ilalahad ko po ang pangyayari sa sinapit ng buhay ko.
Humihingi siya ng tulong. Nabugbog daw siya ng kanyang mga kaaway.
Wala akong nagawa kundi harapin ang grupo para pakiusapang hayaan na ang taong ito na makauwi sa kanyang pupuntahang tahanan.
Pero ayaw nilang pumayag. Pilit nilang inaagaw sa akin ang taong yaon.
Sa kabila ng aking pakiusap, inundayan ako ng saksak ng isa sa mga tumutugis sa lalaki.
Nagpanting ang aking tainga. Lumaban ako hanggang sa maagaw ko ang kanyang armas at isinaksak ko iyon sa kanya.
Nadisgrasya ko ang taong yaon nang hindi ko kagustuhan. Idinepensa ko lang ang aking sarili.
Sa pagkaawa ko sa iba, heto ako ngayon, kalaboso at walang gustong umunawa at bumisita man lang para alamin ang aking kalagayan.
Talagang balintuna ang bu hay. Nahabag ako sa iba, ako naman ngayon ang hindi kahabagan.
Sa ngayon po, gulung-gulo ang aking isipan. Ang pakiwari ko, nag-iisa na ako ngayon.
Sa pamamagitan po ng inyong column, nais kong magkaroon ng mga kaibigan sa panulat para naman magkaroon ako ng kaunting kaligayahan at pag-asa sa buhay.
Maraming salamat po at nawa ay mabigyan ninyo ako ng pagkakataong mailathala ang liham kong ito.
Lubos na gumagalang,
Christopher Vergara
Student Dorm, Bldg. 1-C YRC,
MSC, Camp Sampaguita,
Muntinlupa City 1776
Dear Christopher,
Salamat sa liham mo. Pero huwag mong isiping nag-iisa ka. Hindi ka pababayaan ng Diyos kung tatawag ka sa Kanya. Siya ang higit na nakakaalam ng lahat. Alam Niya ang iyong iniisip at pangungulila.
Kung matututuhan mo lang manalangin palagi, papayapa ang iyong kalooban.
Mabuti at nag-aaral ka diyan sa loob. Ipagpatuloy mo iyan para makatulong sa iyong paghahanda sa paglaya. Huwag kang mawalan ng pag-asa. Habang buhay ang isang tao, buhay ang pag-asa.
Patawarin mo na rin ang mga taong nagkulang sa iyo kasama na roon ang babaeng pinabayaan ka at winaldas ang iyong pera.
Mahahanap mo pa ang salapi, pero ang kapayapaan ng isipan ay mahirap hanapin.
Kung anuman ang dinaranas mo ngayon, sikapin mong tanggapin nang mahinusay dahil bahagi iyan ng iyong rehabilitasyon. Makikita mo, sa sandaling mapagsisihan mo ang pagkakasala nang tapat sa loob mo, malay mong makakabilang ka sa mga mapagkakalooban ng kapatawaran sa naging hatol sa iyo ng korte.
Dr. Love
- Latest
- Trending