Sino nga ba ako?

Dear Dr. Love,

Nangyari po akong lumiham sa inyo sa kagus­tuhan kong mailathala ninyo ang sulat na ito para maipagpatuloy ko ang paghahanap sa aking ina at mga kapatid nang matunton ko kung sino talaga ang aking pamilya. Nais ko ring ganap na makilala ang aking sarili dahil kasalukuyan, talagang blangko ang aking isipan sa tunay kong pagkatao.

Ako po si Ronnie Saringan, 23-anyos at nari­rito sa pambansang bilangguan para pagsilbihan ang sentensiya sa akin dahil sa mga kabalbalang nagawa noon mula nang bigo kong tanggapin ang aking hungkag na pagkatao.

Lumaki ako sa kandili ng isang tiyahin. Sinabi niya noon sa akin na mayroon akong tunay na ina at mga kapatid. Matangi sa sinabi niyang ito, wala ng detalye siyang nabanggit kung nasaan na sila. Hindi ko rin alam kung sino at nasaan ang aking ama.

Mula noon, nagwala na ako. Bata pa lang ako, mayroon na akong juvenile case at ngayon ay nalipat na nga ako sa pambansang bilangguan.

Ang damdam ko, walang nagmamahal sa akin. Hindi ko kasi namulatan ang aking tunay na mga magulang. Sabik ako na magkaroon ng mga kapatid. Wala rin kasi akong kaibigan.

Sino nga ba ako? Masalimuot ang aking buhay. Kaya hinahanap ko ang aking ina, ang aking mga kapatid. Sana po mabasa nila ito.

At isa pa, nais ko rin pong hilingin sa inyo na sa pamamagitan ng pitak na ito ay magkaroon ako ng mga kaibigan sa panulat. Nais ko pong maging kaibigan ay yaong makakaunawa sa aking kalagayan.

Hanggang dito na lang po at maraming salamat sa inyo. Pangako ko sa aking sarili, magbabagong-buhay na ako dahil ngayon ko lang ganap na naunawaan na mahirap ang nag-iisa. Mayroon po kayang makikipagkaibigan sa akin?

Gumagalang,

Ronnie Saringan

Bldg. 2 Dorm 213,

MSC, Camp Sampaguita,

Muntinlupa City 1776

Dear Ronnie,

Salamat sa liham mo. Ganap kong nauuna­waan ang sitwasyon mo. Uhaw ka sa pagmamahal ng iyong mga magulang at mga kapatid kaya nagrebelde ka. Hindi mo alam kung saan ka galit kaya gumagawa ka ng masama para mapansin ng lipunan.

Kailangan mong baguhin ang pananaw na iyan sa buhay. Bagaman hinahanap mo ang iyong pamilya, hindi mo naman dapat na pinasasama ang iyong sarili. Kaya ka binigyan ng Panginoon ng buhay ay dahil mahal ka Niya. Mahalin mo rin ang buhay na kaloob Niya.

Habang naninilbihan ka sa hatol na iginawad sa iyo, sikapin mong mapaunlad ang iyong sarili. Mag-aral ka kaya kundi man ay pumailalim ka sa mga pagsasanay sa mga programang livelihood para maihanda ang sarili sa paglabas mo sa piitan.

Dalangin ng pitak na ito na mabasa ito ng iyong ina at mga kapatid para makipagkomunikasyon sila sa iyo.

Dr. Love

Show comments