Pinagkasundo
Dear Dr. Love,
Una’y bayaan mong batiin ko ang napakaganda mong kolum na pinakikinabangan ng maraming may problema sa pag-ibig na tulad ko.
Sana’y datnan ka ng sulat ko na nasa mabuting kalagayan, Dr. Love. Di mo naitatanong, paborito kita sa lahat ng mga love advisers. Pakikubli mo na lang ako sa pangalang Aida, 19-anyos.
May boyfriend ako. Tawagin mo na lang siyang Mike. Mula high school ay kami na. Pero ipinagkasundo ako ng aking mga magulang sa isang lalaking hindi ko mahal.
Gusto ng mga magulang ko na ikasal kami sa Mayo ng susunod na taon. Nang malaman ko ito’y sinabi ko agad sa boyfriend ko. Niyaya niya akong magtanan. Pero natunton kami ng aking parents somewhere in Bulacan.
Puwersahan akong pinauwi at gusto ng mga magulang ko at ng mga magulang ng lalaking ipinipilit sa akin na ikasal na kami agad this December. Ano ang gagawin ko?
Aida
Dear Aida,
Bata ka pa sa edad na 19 pero nasa legal age ka na. Igiit mo ang sa iyo.
Ipamukha mo sa mga magulang mo na ikaw ang makikisama at kaligayahan mo ang nakataya. Ang tungkulin ng mga magulang sa mga anak na nasa edad na ay magpayo lamang at hindi kontrolin ang kanilang buhay.
Kausapin mo rin yung lalaking inirereto sa iyo at kumbinsihing huwag ituloy ang inyong kasal dahil hindi kayo liligaya kung walang pag-ibig sa isa’t isa.
Dr. Love
- Latest
- Trending