Hinaing ng ex-convict
Dear Dr. Love,
Ipinararating ko sa iyo ang isang mainit na pagbati kasama na sa buong staff ng Pilipino Star NGAYON pati na ang mga masusugid mong followers.
Matagal ko nang balak sumulat sa iyo pero ngayon lang ako nagkaroon ng time kaya sana’y mapaunlakan mong i-feature ang aking liham. Tawagin mo na lang akong Timmy, 31 taong-gulang.
Ako ay isang ex-convict. Napagbintangan akong pumatay sa aking kaibigan. Sampung taon din akong nakulong at pinalaya matapos mapatunayan na talagang wala akong kinalaman sa krimen.
Mayroon akong kasintahan at ibig na naming lumagay sa tahimik. Pero mahigpit ang pagtutol ng kanyang mga magulang dahil ako’y galing sa loob. Maganda naman ang takbo ng negosyo kong talyer na nagkukumpuni ng mga kotse pero malaking setback para sa akin ang aking pagiging ex-convict. Ang kasintahan ko ay 25-anyos na pero tila masyado siyang masunurin sa kanyang mga magulang. Gusto niyang tapusin na ang aming relasyon. Ano ang gagawin ko?
Timmy
Dear Timmy,
Actually, lampas na siya sa legal na edad para manindigan para sa kanyang sarili. Kung mahal ka niya, dapat ipaglaban niya ang inyong relasyon.
Kung tutuusin, wala nang poder sa kanya ang kanyang mga magulang. Kung ayaw niya talagang ipaglaban ang inyong pag-iibigan, wala kang magagawa kundi kalimutan siya.
Hindi lang naman siya ang babae sa mundo.
Dr. Love
- Latest
- Trending