^

Dr. Love

Inapi nila ako

-

Dear Dr. Love,

Una po sa lahat, nais ko pong batiin kayo ng isang magandang araw at nawa’y sumainyo ang lahat ng pagpapala ng ating Poong Maykapal.

Ako po si Ricky Cuyo, tubong Isabela at isa akong masugid na tagasubaybay ng inyong malaganap na column at gayundin ng sikat ninyong pahayagan. Sa ngayon, naririto ako sa pambansang bilangguan dahil sa nakagawa ako ng isang kasalanan na hindi ko naman sinadya at pinagplanuhan.

Mula sa probinsiya, lumuwas ako ng Maynila para makipagsapalaran. Gusto kong makaahon sa kahirapan ang aking pamilya. Pinalad naman akong mapasok bilang isang security guard sa isang kompanya ng soft drink.

Dito ko nakilala ang babaeng nagpatibok sa aking puso, si Emily. Maganda si Emily, mabait at taglay niya ang lahat ng katangiang hinahanap ko sa isang babae.

Nakipagsapalaran akong manligaw sa kanya at pinalad namang sinagot niya ang iniluhog kong pagmamahal.

Kaya lang, tutol ang kanyang mga magulang sa akin. Hindi kasi ako mayaman at ang gusto nilang mapangasawa ng kanilang anak ay yaong may sinasabi sa buhay.

Sa kabila ng pagtutol ng mga magulang ni Emily sa akin, palihim pa rin kaming nagtatagpo. Pero ito ay naputol nang may maganap na insidente   sa akin na hindi ko inaasahan.

Isang grupo ng kalalakihan ang tumambang sa akin. Binugbog nila ako at tinangkang patayin. Salamat na lang at may taong nakakita sa insidente at siyang tumulong na dalhin ako sa pagamutan nang magtakbuhan ang mga lalaking yaon dahil nga sa taong nakasaksi sa insidente.

Ang suspetsa ko, ang mga magulang ni Emily ang may kagagawan ng insidenteng ito. Tinakot nila ako para layuan ko ang kanilang anak.

Wala naman akong ebidensiya para kasuhan sila. Nasundan pa ito ng pagkakatanggal ko sa trabaho. Kaya minabuti ko na lang na umuwi ng probinsiya.

Pero sa bus terminal, may nakita akong lalaki na isa sa mga tumambang at nambugbog sa akin. Bigla ang sulak ng aking dugo. Naisip kong bumawi. Dinaluhong ko siya at sinaksak hanggang mapatay.

Huli na nang mapag-isip ko ang konsekuwensiya ng aking ginawa. Inapi kasi nila ako. Wala akong ibang maisip para makabawi sa sunud-sunod na pangyayaring nakapagdulot sa akin ng kabiguan sa buhay.

Nawala na si Emily, halos mapatay din nila ako. Minabuti kong sumuko sa mga awtoridad. At heto nga ako, nakakulong para pagbayaran ang kasalanang nagawa.

Nalulungkot ako sa nangyari sa aking buhay. Sana po, mabigyan ninyo ako ng mga kaibigan sa panulat na makapagbibigay sa akin ng bagong inspirasyon at pag-asa sa buhay.

Umaasa po ako na matutulungan n’yo ako.

 

Lubos na gumagalang,

Ricky Cuyo

Bldg. 2 Dorm 218,

MSC, Camp Sampaguita,

Muntinlupa City 1776

Dear Ricky,

Salamat sa liham mo at sana, mapaaga ang paglaya mo sa pamamagitan ng pagpapakabuti diyan sa loob at pagpapakita ng lubusang pagsisisi sa nagawang pagkakasala.

Sikapin mong mapaglabanan ang pag-iinit ng ulo. Ang pabigla-biglang aksiyon ay pinagmumulan ng agarang desisyon na malimit ay pinagsisisihan sa dakong huli tulad ng nangyaring pagkakapatay mo ng tao.

Isipin mo lang, ang naaapi ay pinagpapala at ang nasa itaas ngayon ay tiyak ding bababa.

Good luck sa iyong pagbabagong-buhay at huwag mong kalilimutang manalangin tuwina.

Dr. Love

AKIN

AKO

CAMP SAMPAGUITA

DEAR RICKY

DR. LOVE

KAYA

PERO

RICKY CUYO

  • Latest
  • Trending
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with