Anakan mo ang asawa ko

Dear Dr. Love,

Tawagin mo na lang akong Archie, 31-anyos. Si Israel ay kaibigan kong matalik mula pa sa pagkabata. Para kaming tunay na magkapatid.

Pareho na kaming may asawa ngayon. Tatlo na ang anak naming mag-asawa pero siya ay wala pa hangga ngayon gayung limang taon na silang nagsasamang mag-asawa.

Isa siyang baog, ayon sa doktor na tumingin sa kanya.

Gustung gustong magkaanak ni Israel. Mayaman kasi siya at wala raw siyang pamamanahan ng kanyang estate kung wala siyang supling.

Nagulat ako sa request niya sa akin. Naguluhan ako. Gusto niyang sipingan ko ang kanyang asawa para ito magkaanak. 

Hindi ko alam kung pagbibigyan ko siya o hindi. Kung minsan, para akong natutuksong gawin ito dahil seksi at maganda ang kanyang misis. 

On the second thought, para naman akong nakokonsensiya kung gagawin ko ito dahil matalik ding kaibigan ng misis ko ang asawa ni Israel.

Pinag-usapan na raw nila itong mag-asawa at pumayag daw ang kanyang misis mapagbigyan lang ang kagustuhan ni Israel na magkaanak.

Dapat ko ba itong pagbigyan?

Archie

Dear Archie,

Hindi mo siya dapat pagbigyan kahit kaibigan mo siyang matalik. Magiging masalimuot ang resulta niyan kung pagbibigyan mo siya.

Maski papaano, kapag naanakan mo ang kanyang misis ay magkakaroon ka ng attachment sa bata na malamang maging daan ng conflict sa buhay ninyong magkaibigan.

Isa pa, may question of morality ang ganyang usapin. Sa mata ng Diyos, kasalanan iyan. Imungkahi mo sa iyong kaibigan na umampon na lang sila kung talagang hindi sila puwedeng magkaanak.

Dr. Love

Show comments