Kay ilap ng kaligayahan
Dear Dr. Love,
Before anything else, isa munang masaganang pangungumusta. Sana po, lagi kayong nasa mabuting kalagayan at malayo sa anumang karamdaman.
Mahirap balikan ang nakaraan nang hindi magdudulot sa akin ng kalungkutan, panghihinayang at paninisi sa sarili. Abot ko na sana ang minimithing kaligayahan sa buhay pero nasilat pa ito.
Sa ngayon nga, nakakulong ako at umaamot ng kaunting kaligayahan at pang-unawa sa mga nagnanais na makipagkaibigan sa akin sa panulat. Humihingi rin po ako ng mahalaga ninyong payo kung paano ko maibabangong muli ang sarili sa sinapit kong buhay.
Noong taong 2002, nagpasya akong lumuwas sa Maynila para maghanap ng trabaho para makatulong sa aking pamilya.
Pinalad naman akong matanggap bilang isang electronic technician.
Masaya na sana ako. Nakapagpapadala na ako ng tulong sa aking mga magulang at nakakaipon din ng kahit paano sa maganda-ganda ko ring kita sa trabaho.
Pero damdam ko, mayroon pa ring kahungkagan ang aking buhay.
Mayroong kulang. At napagtanto ko na loveless pala ako. Hindi ko pa kasi natatagpuan ang babaeng makapagpapaligaya sa akin.
Kaya nang makilala ko si Tonette sa pinapasukan kong opisina, minabuti kong makilala siya nang husto. Parang siya ang babaeng hinahanap ko.
Kaya noong Araw ng mga Puso, lakas-loob akong nag-imbita sa kanya sa isang dinner.
Halos himatayin ako sa tuwa nang tanggapin ni Tonette ang aking imbitasyon. At iyon na nga ang pinag-umpisahan ng aming magandang relasyon.
Nagsimula na kaming maghabi ng mga pangarap. Plano kong sa Pebrero 14, 2009 kami magpakasal ni Tonette. Pero may mga pangyayaring humadlang sa planong ito.
Isang gabi noon, habang pauwi kami ni Tonette, may mga kalalakihang lumapit sa amin.
Tinutukan ako ng baril at sa gulo kong isipan, wala akong inalala noon kundi ang kaligtasan ng aking nobya na noon ay iyak nang iyak.
Iisa ako. May baril na nakatutok sa aking ulo. Paano ko ililigtas si Tonette? Pero lakas-loob na rin akong nag-isip ng paraan kung paano ko maaagaw ang baril na nakatutok sa akin.
Nang makahanap ng pagkakatoan, inagaw ko ang baril na iyon at pinaputok ko sa lalaki.
Pero hindi sinasadyang ang natamaan ng punlo ay si Tonette. Humandusay siya sa lupa at duguan. Lumapit ako kay Tonette nang magpulasan ng takbo ang grupo kasama ang isa ring duguang lalaki.
Hindi ko po alam ang aking gagawin. Minabuti kong dalhin si Tonette sa ospital. Pero nalagutan na siya ng hininga dahil sa dami ng dugong nawala sa kanya.
Hindi ko matanggap ang nangyari kay Tonette. Iyak ako nang iyak at hindi ko mapatawad ang aking sarili sa nangyari.
Ang babaeng pinakamamahal ko ay nawala sa akin. Dahil sa guilty feeling sa nangyari, natuto akong magbisyo. Galit ako sa sarili at sa mundo.
Hindi ako nakulong sa nangyaring insidente pero naaresto ako dahil sa bawal na gamot na kinalululungan ko mula nang bawiin sa akin ng Maykapal si Tonette.
Habambuhay ang sentensiya sa akin. Kaya ang tawag dito sa akin sa loob ay Boy Life.
Alam kong nadapa ako at minabuti kong bumangon sa pagkakadapa. Nagpasya akong magpatuloy ng pag-aaral dito sa bilangguan.
Taimtim din akong dumadalangin na sana, ang nangyaring trahedya sa buhay ko ay hindi na masusundan pa.
Alam kong pinatawad na rin ako ni Tonette sa pangyayaring nagbunsod sa kanyang pagyao. At ang inihihingi ko sa kanya ng kapatawaran ay ang kahinaan ko kung bakit ako nalulong sa masamang bisyo.
May puwang pa kaya ako sa sosyedad? Payuhan po ninyo ako at sa paglalathala ninyo ng liham kong ito, ang hingi ko sa marami ninyong mambabasa ay huwag nila akong hatulan.
Sana, mayroong magkaisip na lumiham at makipagkaibigan sa akin para makabawas sa aking kalungkutan.
Marami pong salamat at more power to you.
Gumagalang,
Dave Tolentino Devibar
Preventive Cell 239,
Bldg. 2, MSC, Camp Sampaguita,
Muntinlupa City 1776
Dear Dave,
Hindi mo sinasadya ang pangyayari pero dahil mahal na mahal mo ang iyong nobya, hindi mawala ang guilty feeling mo.
May kanya-kanyang guhit ang ating palad. Tinawag na si Tonette ng Lumikha dahil tapos na ang kanyang misyon sa mundong ibabaw. Kahit paano, pinaligaya ka niya. Sayang nga lang at hindi ito nagtagal dahil nga kinuha na siya ng Maykapal.
Sana, pinahalagahan mo ang naiwang maikling kaligayahan na naibigay sa iyo ni Tonette.
Hindi ka sana naging mahina. Hindi mo na maibabalik pa ang nakaraan. Naging instrumento ka lang sa pagbabalik ni Tonette sa Panginoong Lumikha sa kanya. Ito na lang ang dapat mong isaisip.
Maligaya na siya sa piling ng Lumikha. Matutuhan mo sanang tanggapin na hiram lang ang ating buhay at kapag dumating na ang panahong kinukuha na tayo ni Lord, wala tayong magagawa kundi idalangin ang kapayapaan ng kanyang kaluluwa at kaligayahan sa kaitaasan.
Matutuhan mong bumangon sa kinadapaan mo at magkaroon ka ng resolusyon sa sarili na hindi ka na babalik sa masamang bisyo.
May maganda ka pang pagkakataong makabawi sa nagawang kasalanan. Dumalangin ka at ikaw ay diringgin ng Panginoon.
Dr. Love
- Latest
- Trending