Isang gabing kasalanan

Dear Dr. Love,

Please hide my identity and simply call me Lara, a 31 year-old housewife.

Ang asawa ko ay nagtatrabaho sa Italy at kahit magkalayo kami, walang paltos ang aming ugnayan through internet. May dalawang taon na siyang hindi umuuwi.

Mahal ako ng asawa ko at ganun din naman ako sa kanya. Ngunit may mabigat   sa aking dibdib dahil sa lihim na itinatago ko. Minsan na akong naging taksil sa kanya pero hindi na iyun naulit.

Nangyari ito nang minsang yayain akong lumabas ng aking mga kaibigan. Nag-ballroom dancing kami at napareha ako sa isang batambata at guwapong dance instructor.

Hindi ko alam ang nangyari sa akin. Marahil ganito talaga ang nahuhulog sa tukso. Natagpuan ko na lang ang aking sarili na katalik ang lalaking ito sa isang hotel.

Nakalimot ako sa aking sarili. Marahil dala na rin ito ng aming pagkakahiwalay physically ng aking asawa.

Nagi-guilty ako ngayon. Kapag nagkikita kami ng mister ko sa internet, parang natutulala ako at hindi ko alam ang aking gagawin.

Paano mawawala ang sumbat ng aking konsensiya?

 

Lara

Dear Lara,

Lahat ng tao ay nagkakasala. Iba-iba nga lang pero ang kasalanan ay pare-parehong pagsuway sa ating Panginoon. Unang-una’y pagsisihan mo ang iyong kasalanan at hingin ang kapatawaran ng Diyos para lumuwag-luwag ang iyong dibdib.

Pero upang ganap na mapawi ang guilty conscience mo, dapat ka ring magtapat sa iyong asawa. Maaaring hindi ngayon kundi sa kanyang pagdating. Mahirap gawin iyan pero dapat. It will be unfair for your husband na hindi malaman ang iyong pagkakahulog sa tukso. Hingin mo rin ang tawad niya dahil sa kanya ka nagkasala.

Dr. Love

(Sa mga Overseas Filipino Workers na may problema at nangangailangan ng counseling, umugnay sa http://www.ofwonline.ateneo.edu. Ito ay bukas seven days a week. This website project specifically targets OFWs and their families in different parts of the world.) 

         

Show comments