Kapag may suwerte, may pighati
Dear Dr. Love,
Isang taos-pusong pangungumusta sa inyo at sa lahat na bumubuo ng inyong malaganap na pahayagang Pilipino Star NGAYON.
Isa po ako sa libu-libong umiidolo ng inyong pahayagan lalo na ang column ninyong Dr. Love.
Sumulat po ako sa inyo para maibahagi ko ang malungkot kong karanasan sa buhay.
Musmos pa po ako nang mamatay si Itay at naiwan ako sa pag-aaruga ng aking Lola.
Kahit na maayos naman ang pag-aaruga sa akin ng aking Lola, parang may kulang pa ssa buhay ko. May hungkag na puwang sa puso ko na parang hindi mapunan. At ito ay ang pagmamahal ng mga magulang.
Kaya nang sumapit ako sa edad na 21, minabuti kong hanapin ang aking Inay na nawalay sa akin para matugunan ang pagkauhaw ko sa pagmamahal ng magulang.
Lumuwas ako ng Maynila para hanapin ang aking ina. Pero sa laki ng Kamaynilaan, saan ko kaya hahanapin si Inay?
Minabuti kong maghanap ng trabaho at pinalad naman akong mapasok na isang driver. Dito ko nakilala si Wilma, ang babaeng nag-alis ng aking pangungulila sa aking ina.
Sa mga unang taon ng aming pagsasama, naging masaya naman ako. Biniyayaan kami ni Wilma ng dalawang supling.
Ang sabi ko sa aking sarili, suwerte sa buhay ko ang aking asawa.
Ang akala ko kuntento na ako sa buhay. Akala ko, tuluy-tuloy na ang suwerte sa buhay ko. Ang kasunod pala ng inaakala kong suwerte ang pinakamalaking pagsubok sa aking buhay.
Katatapos ko lang maghatid sa aking amo sa kanyang opisina nang maisipan kong dumaan sa aming bahay at balak ko sanang sorpresahin ang aking mahal na asawa at dalawang anak.
Ang akala ko, masosorpresa ko sila. Ako pala ang masosorpresa. Pagpunta ko sa silid naming mag-asawa, kitang-kita ko ang mahal kong maybahay na may kaulayaw na ibang lalaki.
Parang ipinako ang aking mga paa sa kinatatayuan ko. Hindi ko malaman ang aking gagawin.
Subali’t nangibabaw pa rin ang pagmamahal ko kay Wilma. Umalis akong tulala at minabuti kong i-drive ang sasakyan. Sa bilis ng aking pagpapatakbo, hindi ko namalayan na may nasagasaan pala akong tao na naglalakad sa kalsada.
Huli na nang malaman ko ang pangyayari dala ng kalituhan ng pag-iisip sa eksenang nasaksihan ko sa silid ng aming tahanan.
Dumating ang mga pulis at dinala ako sa presinto.
Matapos ang paglilitis, nahatulan akong mabilanggo nang mula 12 hanggang 17 taon.
Sa bilangguan, naranasan ko ang iba’t ibang kapighatian sa buhay lalo na sa aspetong emosyonal.
Ang asawa ko, tuluyan nang sumama sa kinahuhumalingan niyang lalaki. Ang masakit pa nito, dinala niya ang dalawa naming anak.
Sa himutok ko sa buhay, gusto ko na sanang wakasan na ang aking buhay pero nanaig ang takot ko sa Diyos.
Kaya, ang tanging hiling ko na lang po, magkaroon ako ng mga kaibigan sa panulat at makatagpo sana ng isang babaeng totoong magmamahal sa akin sa kabila ng aking nakaraan.
Lubos na gumagalang,
Carlos O. Rosare
Student Dorm 232,
MSC, Camp Sampaguita,
Muntinlupa City
Dear Carlos,
Ang mabuhay sa mundo ay puno ng pakikibaka at pagsubok. May suwerteng dumarating at mayroon ding mga kabiguan at pighati.
Ang lahat na mga hamong ito ay bahagi ng buhay. Tanggapin natin nang mahinahon at tiwalang hindi maglalaon at ang mga kabiguang nararanasan ay bibihisin rin ng ating Panginoon kung mayroon tayong tiwala sa Kanyang kabutihan at pagmamahal sa atin.
Huwag mong wawakasan ang buhay mo. Kaya mo ang dinaranas mong kalungkutan at pagsubok na kaloob sa iyo ng tadhana.
Huwag kang bibigay sa lungkot at sama ng loob sa mga nangyari sa buhay mo.
Alam ng Panginoon na kaya mong bumangon sa kinadapaan.
Dr. Love
- Latest
- Trending