Childhood sweethearts

Dear Dr. Love,

Isang magandang araw sa iyo Dr. Love. Sana ay nasa mabuting kalagayan ka at maitampok mo ang aking sulat para mabigyan mo ako ng mahalagang payo.

Ang pangalan ko ay Edna, 20-anyos.

May kasintahan ako na matatawag kong childhood sweetheart dahil elementary pa kami ay nagkagustuhan na kami. Noon ay parang laru-laru lang. Pero nang mag-high school kami ay naramdaman naming mahal talaga namin ang isa’t isa.

Ngayong tapos na kami ng college ay parang nag-iba ang takbo ng aming relasyon.

Nagkaroon ako ng manliligaw na nagustuhan ko ang ugali. Sinagot ko siya nang hindi nalalaman ng isa kong boyfriend.

Alam kong masasaktan siya kapag nalaman niya ang aking pakikipagrelasyon sa iba. Dapat ko bang ituloy ang relasyong ito o makipag-break na at manatili sa dati kong boyfriend? Naguguluhan ako kung sino ang pipiliin ko.

Edna

Dear Edna,

Kung ako ang una mong boyfriend ay talagang masasaktan ako. Hindi birong panahon ang inilagi ng inyong pagmamahalan at sa isang iglap ay ipagpapalit mo siya sa iba.

Ang payo ko’y pakasuriin mo ang iyong damdamin at baka hindi totoong pag-ibig ang nadarama mo sa bago mong karelasyon.

Ngayon mo lang nakilala iyan samantalang ang una mong kasintahan ay halos kasabay mong lumaki. Wika nga, nakatitiyak ka sa kanyang pag-ibig.

Ngunit kung nakaseseguro kang hindi mo na siya mahal at ibig mong ibaling sa iba ang pag-ibig mo, kailangang magkaroon kayo ng maayos na paghihiwalay. Mahirap gawin pero dapat.   

Dr. Love

Show comments