Kahit sinaktan niya ako
Dear Dr. Love,
Lubos po akong bumabati sa inyo at sa maganda ninyong column na sa isang tulad kong bilanggo ay nagsisilbing inspirasyon at gabay para sa landas ng pagbabago.
Tawagin na lang po ninyo akong Robert, taga-Lucena City at sa kasalukuyan, nakapiit dito sa Sub Prison SPPF, Sablayan, Occidental Mindoro.
Nakulong ako noong 1998 dahil sa “frame up” at talagang wala naman akong kinalaman. Hatol na mula 10 taon hanggang 12 taon ang iginawad sa akin ng korte.
Noong una, labis kong ipinagpupuyos ng damdamin ang nangyari sa akin. Pero pagkaraan ng sampung taong pagkabilanggo, natanggap ko na rin ang pagsubok na ito ng tadhana. Nalalapit na rin ang aking paglaya.
Alam po ninyo, noong hindi pa ako nakukulong, mayroon akong live-in partner. Pero gaya ng mga karanasang nabasa ko na sa inyong column at sa iba pang mga kasamahan ko sa piitan, hindi siya nakatiis na hintayin ang paglaya ko.
Nag-asawa na siya at sa ngayon, mayroon na siyang sariling pamilya. Tunay na napakasakit para sa akin ang pagtatalusira ng aking itinuturing na asawa.
Nakulong na nga ako sa salang hindi ko naman ginawa, nadoble pa ang pasakit sa aking buhay nang talikuran ako ng babaeng labis kong minahal.
Pero ngayong nalalapit na nga ang aking paglaya, ipinagdarasal ko na lang ang kanyang kaligayahan kahit sinaktan niya ako.
Ang nais ko pong isangguni sa inyo ay kung ano ang nararapat kong gawin sa mga taong nagsabwatan para ako ay makulong.
Payuhan po ninyo ako.
Gumagalang,
Robert Maristela
Dear Robert,
Kapag lumaya ka na, huwag mong ilagay sa mga kamay mo ang batas.
Idaan mo sa tamang proseso ang paglilinis mo ng iyong pangalan.
Humanap ka ng sapat na ebidensiya na makapagpapatibay ng kasong puwede mong isampa laban sa mga nagsabwatan sa iyo kaya ka nadiin sa kaso na base sa pahayag mo ay hindi mo naman ginawa.
Mahaba itong proseso. Kailangan mo ay hindi lang tiyaga kundi salapi para patunayang wala kang sala.
Kailangan mo ng mga testigo at mahusay na abogado.
Sa ginawa naman ng dati mong live-in partner, huwag mo na lang siyang habulin pa. Yaman din lang na napatawad mo na siya, humanap ka na lang ng ibang hindi tulad niya. I’m sure may mahahanap kang higit sa kanya. Good luck and God bless.
Dr. Love
- Latest
- Trending