Igaganti ko si Itay
Dear Dr. Love,
Isa pong magandang araw sa inyo at sa lahat ng mga bumubuo ng inyong pahayagan.
Isa po ako sa mga tagasubaybay ng inyong column at talaga namang kapupulutan ito ng magagandang aral lalo na ang inyong mga payo.
Nagsimula po ang kalbaryo ng aking buhay noong ako’y pitong taong-gulang pa lang.
Maaga po akong naulila sa ama dahil siya ay naging biktima ng salvage noong panahon ng batas military.
Kaya’t nang ako ay ganap nang binata, ipinangako ko sa aking sarili na igaganti ko ang aking ama.
Subali’t hindi ko pa naisasakatuparan ang aking paghihiganti, nahuli na ako agad kung kaya’t ako ngayon ay isang bilanggo.
Mahirap at malungkot ang nakabilanggo.
Dito ko rin napag-isip na mali pala ang aking ginawa, na inilagay ko ang katarungan sa aking mga kamay.
Huli na ang pagsisisi ngayong narito na ako sa piitan.
Ang tanging libangan ko lang po dito ay nilay-nilayin ang mga aral ng Bibliya. Tunay na nakapagbabawas ito ng kaisipang masama.
Nakita ko rin ang aking mga kamalian. Nakakatagpo ako ng kapayapaan ng damdamin kung dumadalangin ako at nakikipag-komu nikasyon sa Panginoon sa pamamagitan ng pagdarasal.
Kaya, nasabi ko aking sa sarili na Diyos na lang ang dapat na humusga sa mga taong pumatay sa aking ama.
Ipagpapasalamat ko po nang malaki kung mailalathala ninyo ang liham kong ito.
Ituturing kong isang malaking pagkakataon na minsan ay naging bahagi ako ng inyong malaganap na column.
Sana rin po, magkaroon ako ng mga kaibigan sa panulat para lumawak pa ang aking pang-unawa sa pakikipagkilala sa mga tao.
Tatanawin ko po itong isang malaking utang na loob.
Gumagalang,
Arnold Baquiran
MSC, Bldg. 2 Cell 2238,
Camp Sampaguita,
Muntinlupa City 1776
Dear Arnold,
Salamat sa pagkakamulat mo sa katotohanan na hindi dapat na ilagay ang batas sa iyong mga kamay.
Gayunman, wala akong nakitang pagsisisi na napasok ka sa piitan dahil diyan mo natutuhan ang aral ng Diyos at ang kahalagahan ng pagiging matimpi at pagkakaroon ng disiplina.
Ang lahat na mga pangyayari sa ating buhay ay talagang mayroong dahilan. Mahal ka ng Diyos kaya natutuhan mo siyang mahalin at irespeto ang kanyang mga aral.
Ang pagtawag sa Kanya, sa pamamagitan ng panalangin ay nakatitighaw sa kalungkutan, nakapagpapaliwanag sa madilim na kaisipan at nakapagbibigay ng matwid na direksyon sa buhay.
Huwag kang bibitiw sa Kanya.
Dr. Love
- Latest
- Trending