Dear Dr. Love,
Nawa’y nasa mabuti kayong kalagayan sa pagsapit ng liham kong ito, ganoon din ang lahat ninyong mga kasamahan sa Pilipino Star NGAYON.
Sapol nang ako ay isinilang ay kakambal ko na ang kahirapan.
Kaya naman sa kabila ng kakapusang pinansiyal, pursigido akong makatapos ng pag-aaral dahil ipinangako ko sa sarili ko na sa sandaling makatapos ako ng pag-aaral, gagawin ko ang lahat ng pagsisikap para makapagtrabaho agad upang matulungan ko ang aking pamilya na makaahon sa kahirapan.
Hindi naman ipinagkait ng Panginoon ang pangarap kong ito. Pagkatapos ng pag-aaral, kaagad akong lumuwas ng Maynila para maghanap ng trabaho.
Pinalad naman ako na matanggap sa isang pabrika sa Bulacan.
Pinagbuti ko ang aking trabaho at ito naman ay hindi nakalampas sa masusing pagsubaybay ng aking amo.
Dahil sa katapatan at kasipagan, inilagay niya akong kanang kamay ng kanyang anak na babae, si Melody.
Sabay kaming pumasok sa pabrika ni Melody. Maganda siya, magalang at mapagmahal. Kaya naman nahulog ang loob ko sa kanya.
Masaya kasi siyang kasama. Para bang lahat na bagay o problema ay napakasimple at madaling gawin kung siya ang kausap at katuwang ko sa trabaho.
Sa kabila ng malaking agwat ng pamumuhay at edad, hindi nagtagal at tinugon ni Melody ang aking pag-ibig.
Inilihim namin ang aming relasyon sa kanyang mga magulang dahil sa pangambang paglalayuin kaming dalawa.
Pero kahit anong lihim ang ginawa namin sa pag-iibigang ito, nakarating din ito sa kanyang mga magulang.
Nagdalang-tao kasi si Melody at nalaman ng kanyang ama na ako ang ama ng kanyang dinadala sa sinapupunan.
Galit na galit sa akin ang ama ni Melody. Halos ipapatay ako sa ngitngit ng kanyang ama. Sinubukan kong ipaglaban ang aming pag-ibig.
Dahil pinalayas na nila ako sa pabrika, pabalik-balik ako sa kanilang bahay para lang makausap si Melody.
Natagalan bago ako nakati yempong makapiling si Melody.
Masayang-masaya ako nang pumayag siyang makipag-usap sa akin.
Subali’t ang katuwaang ito ay nahalinhan ng kalungkutan nang sabihin niyang layuan ko na siya at huling pagkikita na namin iyon. Labis akong nasaktan dahil hindi man lang niya ipinakipaglaban ang aming pag-iibigan.
Ngunit alam kong mayroon siyang mabigat na dahilan kaya niya ako pinalayo sa kanya. Mula noon, gumuho na ang aking mga pangarap. Natuto akong magbisyo at gumawa ng masama hanggang sa mabilanggo nga ako.
Hanggang ngayon, kapag sumasagi sa aking isip ang nakaraan, hindi ko maiwasang maitanong sa aking sarili kung ano na ang lagay ng aking mag-ina.
Ipagkakait kaya niya na kilalanin ako ng aming anak bilang kanyang ama?
Hanggang dito na lang po at more power.
Maraming salamat.
Always,
Christopher Francisco
Celda 136 Bldg. 1,
Camp Sampaguita,
Muntinlupa City 1776
Dear Christopher,
Sa pananaw ng pitak na ito, nagdesisyon si Melody na makipagkalas na ng relasyon sa iyo dahil marahil sa sanggol na dinadala niya sa sinapupunan.
Natakot marahil siya na kung sasama siya sa iyo, hindi niya kayang buhayin ang bata.
Wala kang trabaho. Kung wala rin siyang trabaho, paano kayo kakain? Paano ninyo mapapalaki ang bata? Paano siya mag-aaral?
Siya ba ang mas nakatatanda sa iyo o ikaw?
Kung siya, marahil, nagdesisyon siyang magkaroon ng anak kahit walang ama. Hindi kaya?
Hindi kayo kasal. Kahit magdemanda ka para angkinin ang bata, mas papabor ang hustisya sa kanya lalo na’t nasa bilangguan ka.
Hintayin mo na lang na lumaya ka at kung mapapakiusapan mo si Melody na makilala mo ang inyong anak, mas mabuti.
Kalimutan mo na lang siya para na rin sa kapakanan ng iyong mag-ina. Naging mahina ka. Napadala ka sa tukso, sa bisyo kaya ka nakulong.
Sana, pinagbuti mo ang paghahanap ng ibang trabaho at sinikap mong mapaunlad ang sarili para mapatunayan mo sa mga magulang ng nobya mo na mabuti kang tao at hindi mo pinagsamantalahan ang kabutihan nila para paibigin ang kanilang anak.
Hindi maiaalis na maghinala silang kaluwagang pinansiyal ang hinabol mo para paibigin si Melody kahit pa nga marangal ang intensiyon mo.
Dr. Love