Mahal kong Dr. Love,
Una sa lahat ay bayaan mong kumustahin kita lakip ang dalangin na nasa mabuti kang kalagayan sa pagtanggap mo ng aba kong sulat.
Tawagin mo na lamang akong Lonely Girl, 37-anyos at hiwalay sa asawa. Mayroon akong iisang anak pero kinuha siya ng aking asawa. Ibinigay ng korte ang custody sa aking asawa dahil ako raw ang unang nagtaksil.
Inaamin kong nagkamali ako sa aking ginawa pero malaon ko na itong pinagsisihan. Nagkaroon ako ng relasyon sa ibang lalaki na hindi kalaunan ay nasira rin dahil taksil din siya. Ito marahil ang tinatawag na karma. Kung ano ang itinanim ko ay siya kong inaani ngayon at doble ang sakit.
Mahal ko pa rin ang aking asawa pero under process na ang inihain niyang annulment. Ngayon, pati mga kapitbahay ko’y napakaliit ng tingin sa akin.
Ibigin ko mang makita ang anak ko ay ipinagkakait ito ng aking asawa.
Ano ang dapat kong gawin?
Lonely Girl
Dear Lonely Girl,
Sa pagkakaalam ko, anuman ang kasalanan mo ay dapat binigyan ka ng visitation right ng korte.
Siguro, kung magagawa mong makausap ang iyong asawa’y ipakiusap mo iyan.
Harinawang magsilbing aral sa iyo at sa ibang nagbabasa ang iyong kasaysayan. Talagang ang kasalanan ay may kaakibat na consequence na kadalasa’y masakit.
Maraming tukso sa paligid pero binibigyan tayo ng lakas ng Diyos para mapaglaban ang mga iyan kung tayo’y taimtim na mananalangin sa kanya.
Dr. Love