Suplada ang dating
Dear Dr. Love,
Pagpalain ka sa pagtanggap mo ng aking sulat. Sana’y maitampok mo agad ito dahil naghihintay ako sa iyong mahalagang payo.
Tawagin mo na lang akong Wilma, 27-anyos at isang saleslady. Dalaga pa rin ako ngayon pero dadalawa ang nanliligaw sa akin na pareho kong hindi gusto. Sabi ng mga kaibigan ko, may hitsura naman ako pero baka raw takot ang mga lalaki sa akin dahil mukha akong suplada at matapang.
Sa totoo lang, hindi naman ako suplada pero bakit kaya napagkakamalang ganun ako?
Siguro ay dala na rin ng problema ko. Ako lang ang naghahanapbuhay at nagtataguyod sa nag-iisa kong kapatid na pinag-aaral ko at sa aking mga magulang na matanda na at walang trabaho.
Ano ang dapat kong gawin?
Wilma
Dear Wilma,
Marahil, mag-aral kang ngumiti. Ang dahilan kung bakit napagkakamalang suplada ang tao ay dahil hindi palangiti.
Ang taong may ngiti sa labi, kahit hindi masyadong maganda, ay gumaganda sa paningin ng iba.
Kung lagi kang nakasimangot, kahit maganda ka ay antipatika at pangit ang tingin sa iyo ng iba.
Kung problema ang dahilan ng iyong pagsimangot, ituring mong mapalad ka dahil may trabaho ka at hindi sumasala sa oras. Iyan lang ay dapat mong ikatuwa at ipagpasalamat sa Diyos. Tumingin ka lang sa iyong paligid ay makikita mo ang mga taong halos wala nang makain at yung iba’y namamatay sa gutom.
Dr. Love
- Latest
- Trending