Selos

Dear Dr. Love,

Huwag mo na lang banggitin ang tunay kong pangalan at ikubli mo na lang ako sa alias na Lagrimas. Ang ibig sabin ng Lag­rimas ay ma­lungkot at ganyan ako ngayon. Mag-iisang taon pa lang kaming kasal ng mister ko at wala pang anak. Bata siya sa akin ng dalawang taon.

Naturingan akong may asawa pero may limang buwan na akong hindi kinikibo ng mister ko. Natutulog kami sa isang silid pero mag­kahiwalay ang kama.

Hindi naman dating ganyang ang kala­gayan namin. Nagsimula ito sa selos na walang batayan. Sa hindi ko inaasahan, nakasalubong ko sa isang mall ang aking ex-boyfriend. May asawa na rin siya.

Inimbitahan niya akong mag-snacks at pumayag naman ako. Wala namang ma­sama sa pagpapaunlak ko dahil itinuturing ko pa rin siyang kaibigan.

Hindi ko alam na may nakakita sa amin. Ewan ko kung sino pero nakunan kami ng larawan sa cellfone habang nagbebeso-beso nang kami’y magpapaalam na sa isa’t isa.

Nai-forward ang larawan sa mister ko at iba ang naging kahulugan sa kanya. Kahit anong paliwanag ko ay ayaw niyang paniwalaan. Ano ang dapat kong gawin?

Lagrimas

Dear Lagrimas,

Marahil, dapat mong pag-ibayuhin ang pagpapakita ng pagmamahal sa kanya para patunayang nagkakamali siya ng hinala sa iyo.

Hindi ko matiyak kung hanggang kailan tatagal ang ganyan niyang attitude pero nanini­wala akong lilipas din iyan. Iwasan mo muna ang paglalabas-labas na hindi mo siya kasama para patunayang wala kang ibang karelasyon.

Huwag kang mag-alala dahil naniniwala akong mapapawi rin ang kanyang selos. Sa tingin ko’y bata pa kayong pareho kaya masyado pang dinidibdib ang panibugho.

Dr. Love

Show comments