Ikinahihiya ako ng aking GF

Dear Dr. Love,

Ako po si Andy Agnes, isa sa mga masusugid ninyong tagasubaybay sa pitak na ito, ang Dr. Love. Ako po ay tubong Samar. Doon ako lumaki at ngayon nga, kasalukuyan akong nakapiit sa pambansang bilangguan.

Sa tagal po ng aking pananatili rito, nagkaroon ako ng karelasyon, si Cristy. Almost two years na po kaming magkasintahan.

Sa panahong ito, lagi na lamang ako ang umu­unawa sa kanya. Kahit siya ang may mali, ako ang laging nanunuyo para magkaayos kami.

Ito ay dahil sa laki ng aking pagmamahal sa kanya. Ayaw ko kasing masira ang aming pagsasama.

Kaya naman hinahabaan ko ang pasensiya at pang-unawa. Subali’t dumarating pala ang pagka­kataon na mayroon kaming hindi pagkakaunawaan na hindi ko talaga kayang intindihin at unawain.

Matindi talaga ang kanyang naging kasalanan hindi lamang sa akin kundi pati sa Panginoon. Kasi ipinalaglag niya ang sana’y magiging baby namin.

Ang sama talaga ng aking loob. Naisip ko tuloy na hindi niya talaga ako mahal.

Maaaring ikinahihiya niya ako na maging ama ng sanggol na kanyang isisilang na isa lang hamak na bilanggo.

Help me, Dr. Love. Payuhan po ninyo ako kung ano ang aking gagawin dahil gulung-gulo ang aking isip.

At sana rin po, mabigyan ninyo ako sa pama­magitan ng inyong colum ng isang magiging kaibigan sa panulat.Yaong magiging matapat at mapang-unawa sa isang tulad ko na naghahanap ng mabu­buting payo. Sana po, malampasan kong lahat ang mga unos na dumarating sa aking buhay.

Sa inyong mga masusugid na mambabasa ng pitak na ito, nais kong ipayo na huwag ninyong tutularan si Cristy na naging bahagi ng buhay ko na ipinalaglag ang aming sana’y magiging baby dahil ito ay isang malaking kasalanan sa ating Panginoon.

Maraming salamat po at more power to you.

Lubos na gumagalang,

Andy Agnes

Student Dorm 231,

Camp Sampaguita,

Muntinlupa City 1776

 

Dear Andy,

Salamat sa liham mo at sana, makaabot din sa iyo ang isang masaganang pangungumusta.

Maraming dahilan ang maaaring nag-udyok kung bakit ipinalaglag ng nobya mo ang dinadala niyang sanggol. Maaaring iniisip niya na hindi niya ito kayang buhayin nang mag-isa. Mayroon ba siyang permihang pinagkikitaan?

Pangalawa, hindi kayo kasal, hindi ba? Magiging isa siyang dalagang-ina at maaaring natatakot siya sa mga magulang niya at mga kamag-anak.

Sinangguni ka ba niya nang ipalaglag niya ang baby?

Tama ka, isang malaking kasalanan sa Diyos ang kanyang ginawa.

Pero, natakot siya sa sasabihin ng tao. Para sa kanya, isang malaking sagabal sa kanyang buhay ang pagkakaroon ng anak o dagdag na anak na paka­kainin, dadamitan at pag-aaralin.

Sana, kung natatakot siya sa responsiblidad, hindi siya nagpasiping at hinintay ka niyang lumaya muna at pakasal kayo bago nakipagrelasyong seksuwal.

Hangad ng pitak na ito ang patuloy mong pagpa­pakabuti at pagpapatuloy ng iyong pag-aaral para mapag­­handaan mo ang kinabukasan sa sandaling makalaya ka na sa piitan.

Dr. Love

Show comments